Magandang Pasko po!

0
727

Pasko ang pinakamasayang panahon sa Pilipinas.  Season ito ng pamimili ng regalo, ng pailaw sa mga palupo at bintana. Araw ito ng masaganang Noche Buena, exchange gift at karoling.

Universal birthday party ni Jesus ang Pasko. Siya ang tanging diwa ng araw na ito. Inilalarawan ng Belen ang maralita Niyang kapanganakan. Mula sa hamak na sabsaban ay naganap ang himala kung saan ang pagtubos sa sangkatauhan ay misteryosong naisagawa. Ang buod ng Pasko ay pag ibig sa Diyos at pag ibig ng Diyos sa sanlibutan. Dumating Siya sa mundo bilang tao at dito nagsimula ang banal na kwento na nagtapos sa pagkakapako Niya sa Krus. 

Kaya nararapat lang na ipagdiwang ng grande ang Pasko. Bagaman at may iba’t ibang mukha ito para sa bawat isa at sa bawat antas ng pamumuhay ng tao.

Sa pamilyang marangya, ang Pasko ay panahon ng kasiyahan sa materyal na bagay. Matagal na pinaghahandaan ang mga mahal na regalo sa ilalim ng Christmas tree. Karaniwan din sa mayayaman ang magpalit ng sasakyan bago sumapit ang Pasko at bumili ng pinakabagong modelo ng iphone. Kung walang Covid-19 restrictions, maaaring nagdadaos sila ng Pasko sa New York, London o Amsterdam. 

Sa pamilyang walang wala, malungkot ang Pasko sa maraming dahilan. Ilan lang dito ang kawalan ng perang pambili ng bagong damit at sapatos para sa mga anak at kakulangan sa kakayahang makabili ng regalo para sa mga kaibigan at mahal sa buhay. Ang  Noche Buena ay isang pangarap lang. At may lulungkot pa ba sa araw ng Pasko na wala ang Tatay mo o Nanay mo o anak mong OFW?

Ganun pa man, mahirap man o mayaman ay maaaring magdiwang ng maligayang Pasko. Panahon kasi ito ng pagbibigayan at hindi simpleng araw lang ng palitan ng regalo. Ang mensahe ng Pasko ay nasa pagsasama-sama. Ito ay araw ng pagpapahalaga, oras ng pagiging selfless at selebrasyon ng pagmamahal sa kapwa. Panahon ito ng pagsusuri kung ano ano ang mahalaga at walang kwenta. Pagkakataon upang maging mas mahusay na bersyon ng ating mga sarili.

Maligayang Pasko!

Photo credits: Shopback

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.