Magkapatid na bata, namatay sa suffocation sa loob ng abandonadong kotse

0
175

STO. TOMAS, Pampanga. Nasawi ang magkapatid na bata sa suffocation matapos matagpuan sa loob ng isang sirang kotse na nakaparada sa isang compound noong Lunes sa Barangay Moras Dela Paz, sa bayang ito sa Pampanga.

Ayon sa imbestigasyon, sira ang lock ng pintuan ng kotse kung saan natagpuan ang mga bangkay ng dalawang batang magkapatid na may edad lima at anim. Lumalabas din sa imbestigasyon na dalawang taon nang nakaparada sa lugar ang kotse dahil sira na ito. Sarado ang lahat ng salamin ng bintana, at mabubuksan lamang ang pinto mula sa labas, at hindi na kapag mula sa loob.

“Ang sabi nung caretaker doon, kapag nakapasok na sila dun sa sasakyan at na-lock ito, wala talagang chance na makakalabas sila,” ayon kay Police Captain Jester Calis, hepe ng Sto. Tomas Police.

May hawak na rin ang pulisya na kopya ng CCTV kung saan nakitang naglalaro ang mga biktima noong Sabado ng hapon sa nasabing compound.

Batay sa isinagawang awtopsiya sa kanilang mga labi, suffocation ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Ayon sa ina ng mga biktima, inakala niyang kasama lang ng mga ito ang kanilang ama na nakatira sa ibang barangay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.