Magna Carta para sa mga Pilipinong seafarers, pormal nang batas

0
417

MAYNILA. Pormal nang naisabatas ang Magna Carta for Filipino Seafarers matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Bilang bahagi ng Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325, layunin ng batas na ito na bigyang proteksyon ang mga karapatan ng mga Pilipinong seafarers na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa ginanap na ceremonial signing sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng bagong batas na naglalayong tiyakin ang makatarungan at patas na kondisyon para sa mga seafarers. “At its core, this new law aims to uphold the fundamental rights of our overseas seafarers: their right to fair wages, safe working conditions, and skills and competency development, amongst others,” ani ni Pangulong Marcos.

Paliwanag pa ni Marcos, ang patas na sahod ay hindi lamang tungkol sa eksaktong halaga na matatanggap ng mga seafarers, kundi dapat din itong sumasalamin sa hirap, dedikasyon, at sakripisyo na kanilang ibinubuhos sa trabaho. “Dapat ay makuha nila ang karampatang kabayaran para sa lahat ng kanilang pagsusumikap,” dagdag pa ng Pangulo.

Tungkol naman sa mga kondisyon sa trabaho, sinabi ni Marcos na hindi sapat ang simpleng pagsunod ng mga kumpanya sa mga alituntunin. Aniya, mahalaga ring tiyakin na ligtas ang mga seafarers mula sa panganib, pananamantala, at diskriminasyon.

Ang Magna Carta na ito ay nakalinya rin sa mga pandaigdigang pamantayan tulad ng Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW), pati na rin sa mga pandaigdigang maritime labor laws. Sa ganitong paraan, masisiguro na ang mga Pilipinong seafarers ay hindi lamang sumusunod sa mga regulasyon kundi sila rin ay may sapat na kakayahan upang harapin ang patuloy na pagbabago sa industriya ng maritime.

Sa pagtatapos, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng batas na magsusulong ng karapatan ng mga seafarers, na ayon sa kanya ay mahalagang bahagi ng pandaigdigang ekonomiya at patuloy na bumubuo ng malaking kontribusyon sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo