Magnitude 6.9 na lindol yumanig sa Bogo, Cebu; may mga nasawi, tsunami alert itinaas

0
4149

BOGO CITY, Cebu — Niyanig ng Magnitude 6.9 ang Bogo City, Cebu bandang 9:59 ng gabi nitong Martes, Setyembre 30, na nagdulot ng pagkasira sa mga gusali at nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa PHIVOLCS, ang lindol ay tectonic ang pinagmulan at may lalim na 5 kilometro. Makalipas ang 25 minuto, isang Magnitude 5.0 aftershock ang tumama, sinundan ng higit 100 aftershocks hanggang madaling-araw. Ilan sa pinakamalalakas ay magnitude 5.0 at 5.1 na naitala dakong alas-10:24 at alas-10:33 ng gabi.

Sa tala ng PHIVOLCS, Intensity V ang naranasan sa Argao, Cebu; City of Sipalay, Negros Occidental; Lapu-Lapu City; at Tacloban City.
Naitala naman ang Intensity IV sa San Fernando, Cebu; Roxas City, Capiz; Himamaylan, Negros Occidental; ilang bayan ng Sorsogon; Ubay, Bohol; Lawaan, Eastern Samar; Laoang, Northern Samar; Catbalogan, Samar; at Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Naramdaman din ang Intensity II hanggang III sa mga bahagi ng Albay, Camarines Sur, Antique at iba pang lalawigan sa Kabisayaan at Bicol.

Batay sa pinakahuling ulat, mahigit 20 katao ang nasawi at hindi bababa sa 37 ang sugatan sa Cebu at karatig na lugar dahil sa pagguho ng mga gusali at pagkasira ng mga tahanan. Sa Bogo at Daanbantayan, ilang bahay, kalsada, at istrukturang pang-simbahan, kabilang ang bahagi ng Archdiocesan Shrine, ang gumuho.

Sa Cebu City Medical Center, inilikas ang mga pasyente at kawani bilang pag-iingat, habang si Cebu Governor Pam Baricuatro ay nagpaabot na magtatayo ng mga tent para sa pansamantalang kanlungan ng mga evacuees. Sa Lapu-Lapu City, sinuspinde ni Mayor Cindi King Chan ang klase sa lahat ng antas nitong Miyerkules para magsagawa ng inspeksyon sa mga paaralan.

Naglabas ng tsunami advisory ang PHIVOLCS para sa bahagyang pagtaas ng tubig-dagat na mas mababa sa isang metro. Pinayuhan ang mga residente sa baybayin na lumikas palayo, habang ang mga mangingisda ay pinayuhang manatili sa malalim na dagat. Makalipas ang ilang oras, binawi ang tsunami warning matapos makita na ligtas ang antas ng tubig-dagat sa mga lugar tulad ng Leyte, Biliran, at Cebu.

Patuloy ang mga operasyon ng mga awtoridad para sa search, rescue at damage assessment. Nanawagan ang PHIVOLCS sa publiko na manatiling alerto dahil posibleng maranasan pa ang mga aftershock.
“Magpatuloy tayo sa pagiging handa at magsagawa ng agarang structural inspection upang matiyak ang kaligtasan ng lahat,” ayon sa ahensya.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang lokal at pambansang pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad habang tinataya ang kabuuang pinsala sa ari-arian at imprastraktura.

Pumalo na sa  22 katao ang kumpirmadong nasawi sa Bogo City matapos ang pagyanig ng magnitude 6.9 na lindol sa  Cebu kagabi.
Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo