Magnitude 6 na lindol sa Surigao del Sur; PHIVOLCS nagpaalala sa duck, cover, and hold

0
1179

TANDAG CITY – Yumanig sa baybayin ng Cagwait, Surigao del Sur ang magnitude 6.0 na lindol nitong Sabado ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Naitala ang lindol bandang 10:32 p.m., na may lalim na 24 kilometro at sentrong 28 kilometro sa hilagang-silangan ng Cagwait.

Una itong tinaya sa magnitude 6.2 bago inamyendahan ng ahensiya.

Batay sa ulat ng PHIVOLCS, naramdaman ang mga sumusunod na intensity sa iba’t ibang lugar:

  • Intensity IV – Cagwait at Carmen, Surigao del Sur; Cagayan de Oro City; Davao City; Butuan City
  • Intensity III – Abuyog, Leyte; ilang bayan sa Southern Leyte; Bukidnon; Bislig City, Surigao del Sur; Mati City, Davao Oriental
  • Intensity II – Leyte, Samar, Bukidnon, Misamis Oriental, Surigao del Norte
  • Instrumental Intensities: pinakamataas sa Intensity IV sa Hinunangan, Southern Leyte; Cabadbaran City, Agusan del Norte; Nabunturan, Davao de Oro; at Tandag City, Surigao del Sur

Ayon sa PHIVOLCS, inaasahan ang mga aftershock at posibleng pinsala matapos ang pagyanig. Ang insidente ay naganap isang araw matapos ang tinaguriang doublet earthquake sa Manay, Davao Oriental, kung saan walo ang nasawi ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Kasunod ng sunod-sunod na lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nagpaalala ang PHIVOLCS sa publiko hinggil sa tamang dapat gawin tuwing lumilindol.

“May nakikita tayo mga adults sa Cebu, sa Davao also, na nagtatakbuhan during the shaking, which is hindi natin nire-recommend ‘yan kasi ang sinasabi natin, if there’s a strong shaking, you stay put, you do the duck, cover, and hold,” pahayag ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol sa ulat ng 24 Oras Weekend.

Binigyang-diin niya na mas mapanganib ang magtakbuhan dahil maaaring magdulot ito ng stampede o pagkadagan ng mga tao.
“Kasi kung tatakbo ka during the shaking, pwede kang matumba, ‘yung kasunod sa ‘yo, puwede rin matumba. And then magpa-pile up din ‘yung mga bodies,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni Bacolcol na hindi dapat umakyat sa mataas na palapag habang lumilindol.
“Kasi kung during the shaking, aakyat ka dahil natatakot ka na bumagsak ‘yung building, gano’n din, ‘yung building babagsak yan during the shaking. It’s not after ka nakarating sa taas, and saka ‘yan babagsak,” aniya.

Payo ng PHIVOLCS, kapag tumigil na ang pagyanig, dapat bumaba agad sa exit o fire exit upang makalabas nang ligtas. Sa oras ng aftershock, panatilihin pa rin ang duck, cover, and hold at humanap ng matibay na lugar, gaya ng ilalim ng pintuan.

Kung abutan ng lindol sa labas o kalsada, manatili sa lugar na malayo sa poste o punong maaaring bumagsak, at huwag tumakbo. Kung nasa sasakyan, manatili sa loob at huwag muna itong paandarin.

Para sa mga nasa tabing-dagat, pinaalalahanan din ng PHIVOLCS na lumayo agad kapag umatras ang tubig o may kakaibang tunog sa dagat, na maaaring senyales ng paparating na tsunami.
“Takbo ka na agad to a higher place. Huwag nang mag-Facebook live. Ang ginawa pa parang mag-Facebook live pa yata. Which is, paano kung bumalik ‘yun as a tsunami wave and mataas ‘yung alon?” paalala ni Bacolcol.

Patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang mga aftershock habang pinapaalalahanan ang publiko na manatiling kalma, alerto, at handa sa anumang oras ng pagyanig.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo