Magnitude 7.4 na lindol yumanig sa Davao Oriental, 1 nasawi; tsunami warning ipinalabas

0
9941

DAVAO ORIENTAL — Isang magnitude 7.4 na lindol ang yumanig sa baybaying bahagi ng Manay, Davao Oriental nitong Biyernes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa ulat ng PHIVOLCS, ang lindol ay naitala kaninang 9:43 ng umaga na may lalim na 20 kilometro. Una itong iniulat bilang magnitude 7.6 ngunit ibinaba sa 7.4 bago mag-alas-11 ng umaga.

Ayon sa PHIVOLCS, inaasahan ang mga pinsala at aftershocks matapos ang malakas na pagyanig.

Mga Naulat na Intensity

Batay sa tala ng ahensya, ang mga lugar na nakaranas ng Intensity V ay kinabibilangan ng Compostela, Maco, Mawab, Monkayo, Montevista, Nabunturan, at Pantukan sa Davao de Oro; ilang bahagi ng Davao del Norte, Davao Oriental, Davao Occidental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, Surigao del Norte, at Butuan City.
Naramdaman din ito bilang Intensity IV sa Davao del Sur, Cotabato City, Bukidnon, Surigao del Norte, South Cotabato, at ilang bahagi ng Leyte at Samar, habang Intensity III at Intensity II naman sa mga karatig-lalawigan gaya ng Iloilo, Negros Oriental, Sorsogon, Zamboanga, at Misamis Occidental.

Paliwanag ng PHIVOLCS, ang “reported intensity” ay sumusukat sa lakas ng pagyanig batay sa naramdaman ng mga tao at epekto nito sa mga gusali at kapaligiran.

Ayon kay Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang, isang residente ng Mati City ang nasawi matapos mabagsakan ng bahagi ng bahay sa gitna ng lindol. “Meron na kaming confirmed dito sa City of Mati, isang casualty. Isa. Nabagsakan siya ng part ng bahay,” ayon kay Dayanghirang sa panayam sa Balitanghali.

Sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tiniyak niya na nagmobilisa na ang pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektado.
“We are now assessing the situation on the ground and ensuring that everyone is safe. We are working round the clock to ensure that help reaches everyone who needs it. Let us continue to look out for one another and pray for the safety of all our countrymen,” ayon sa Pangulo.

Tsunami Warning Itinaas

Nagpalabas ng tsunami warning ang PHIVOLCS at mahigpit na pinayuhan ang mga residente sa baybaying bahagi ng Eastern Samar, Dinagat Islands, Davao Oriental, Southern Leyte, Surigao del Norte, Leyte, at Surigao del Sur na agad lumikas patungo sa mas mataas na lugar.

Ayon sa ahensya, inaasahang magkakaroon ng “destructive tsunami” na maaaring umabot sa higit isang metrong taas ng alon sa ibabaw ng normal na tubig-dagat, na mas magiging matindi sa mga nakasarang look at kipot. “It is forecasted that the first tsunami waves will arrive between 09:43:54 to 11:43:54, 10 Oct 2025 (PST). These waves may continue for hours,” pahayag ng PHIVOLCS.

Kasabay nito, naglabas din ng tsunami warning ang Indonesia para sa northern Sulawesi, kung saan inaasahang maaaring umabot sa 50 sentimetrong taas ng alon sa kanilang baybayin.

Klase at Trabaho Suspendido

Agad namang sinuspinde ang klase at trabaho sa pamahalaan sa ilang bahagi ng Davao Region upang bigyang-daan ang rapid damage assessment.
Sa advisory ng Davao City Government, sinabing:
“In view of the recent earthquake and to give way to the conduct of rapid damage assessment of infrastructures and facilities, classes in all levels, public and private educational institutions, in Davao City are hereby suspended immediately.”

Sa Governor Generoso, Davao Oriental, ipinatupad din ang suspensyon ng klase at trabaho alinsunod sa Executive Order No. 38 ni Mayor Juanito C. Inojales.
Sa Davao de Oro, inianunsyo rin ni Governor Raul Mabanglo ang agarang suspensyon ng klase at trabaho maliban sa mga frontline offices.

Naunang Lindol sa Cebu

Ang malakas na lindol sa Davao Oriental ay kasunod lamang ng magnitude 6.9 na yumanig sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, 2025, na nagdulot ng 74 nasawi at 559 sugatan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Tinatayang 666,439 katao o 189,620 pamilya sa Central Visayas ang naapektuhan ng lindol sa Cebu, kabilang ang 7,813 indibidwal na nawalan ng tirahan.

Ayon kay Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang, isang residente ng Mati City ang nasawi matapos mabagsakan ng bahagi ng bahay sa gitna ng lindol.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.