Kasabay ng panawagan sa mga hindi pa nagpapa bakuna ng Covid-19 ay hinihikayat ko rin na magpaturok na ng third dose o booster shot ang lahat ng indibidwal na fully vaccinated na.
Kung tatlong buwan na ang nakalipas mula nang matanggap ninyo ang ang inyong second dose ay pwede na kayong magparehistro at magtungo sa vaccination site upang maturukan ng booster dose.
Kung Janssen vaccine ng Johnson & Johnson ang primary doses ninyo, ng dalawang buwan lang pagkatapos ng second dose ay maaari nang magpa booster shot.
Dapat nating gawin ito habang wala pa ang pinapangambahang Omicron variant sa ating pamayanan. Importante ito upang magkaroon ng karagdagang proteksyon. May panlaban tayo sakaling makapasok ang bagong Covid-19 variant of concern na Omicron.
Ano mang oras ay maaaring muling tumaas ang bilang ng mga kasong Covid. Inaasahan ito ng Department of Health pagkatapos ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. May kalayaan ng gumalaw ang mga tao sa labas ng kanilang tahanan bukod pa sa pagiging kampante ng ilan. Dahil dito, tila imposibleng walang madadapuan ng virus lalo na at nasa tabi-tabi pa rin ang Alpha, Beta at Delta Covid-19 variants.
Samantalahin natin ang maraming supply ng Covid vaccines. Tangkilikin natin at suportahan ang mga pagsisikap ng ating pamahalaan na mabigyan ng proteksyon ang bawat mamamayan. Ang buong makakaya ay ibinibigay ng ating mga lokal na opisyal upang mailigtas tayo sa pagkakasakit na dulot ng Covid-19. Kitang kita ang mga paghihirap at pagsasakripisyo nila. Ang tanging gagawin na lamang natin ay magtataas ng manggas para maturukan.
Magpa booster dose ka na, kabayan!
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.