Magpabakuna at maging handa laban sa Omicron variant, ayon kay Dr. Cristeto Azucena

0
699

San Pablo City, Laguna.  Mariing nananawagan si Dr. Cristeto Azucena, pangulo ng San Pablo City Medical Society (SPCMS) sa publiko na hikayatin na magpabakuna ang mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay, kaopisina, kamag anak at kakilala na wala pang proteksyon laban sa Covid-19, sa post vaccination monitoring ng Covid booster rollout sa San Pablo Doctors Hospital kanina, Nobyembre 29, 2021.

“Gawin po natin ang lahat ng ating magagawa para mahikayat natin silang magpabakuna upang lahat tayo ay maging protektado laban sa Covid-19. Huwag ng hintayin na mahawa, magkasakit at maospital dahil pag na ICU sila ay milyong piso ang kakailanganin at maaaring maubos ang kanilang savings at ang pinakasama ay baka hindi sila makaligtas sa mga nakamamatay na sintomas ng Covid-19, lalong lalo na ang mga may comorbidities . Huwag na po nating hintayin na umabot sa ganon. Buksan po natin ang ating mga isipan at hangga’t maaga at hangga’t may panahon pa ay magpabakuna na ang lahat” ang pakiusap ni Dr. Azucena.

Binigyang diin ni Dr. Azucena na kailangang mabakunahan ang 100% ng populasyon upang maging ganap na ligtas sa Covid-19 ang komunidad.

Sinabi rin ng pangulo ng SPCMS na ayon sa data na nakalap ng Department of Health ay mga walang bakuna ang mga naitalang namatay dahil sa Delta variant bukod sa bilang ng may malalang comorbities.

“Ngayon po ay bago na naman tayong variant, ang Omicron. Pinag aaralan pa po ng mga scientist na maaaring mas mabilis makahawa ito at mas malubha ang mga sintomas. Mas makakabuti po na tayo ay protektado na sakaling makapasok sa ating bansa itong bagong variant na Omicron, dagdag pa ni Azucena.

Samantala, sinimulan sa araw na ito ang National Vaccination Days sa Convention Center, SM City San Pablo, San Pablo Doctors Hospital, Central Gym, Community General Hospital, SPC Medical Center at Immaculate Concepcion Hospital.sa lungsod na ito. Layunin ng malawakang vaccination campaign na ito na mabakunahan ang lahat ng Pilipino upang sila ay mabigyan ng proteksyon at maging ligtas ngayon Pasko.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.