Magpasyal tayo sa lawiswis kawayan

0
1814

Malamig na ang dampi ng hangin. Nararamdaman na ang simoy ng kapaskuhan. Pag ganitong Nobyembre ay hinahaplos na tayo ng preskong samyo ng hanging amihan. At dahil malakas na ang hangin galing sa norte, naririnig na natin ang lawiswis ng kawayan.

Ang kawayan ay hindi lang nakapagbibigay ng malinis na hangin. Ayon sa mga pag aaral ay isa rin itong natural disinfectant. Ang tunog ng dahon ng kawayan na hinahampas ng hangin at ang langitngitan ng mga nag uumpugang biyas nito ay lumilikha ng relaxing ambiance na mahusay para sa utak at sa katawan. Higit sa lahat, lubha itong nakakatulong upang maiwasan ang panganib ng soil erosion.

Sa ibang bansa tulad ng Japan, ang bamboo forest ay isang tourist attraction. Dito sa ating bansa marami na ring bamboo forest na matatagpuan sa Baguio, Cebu, Pangasinan at maging sa San Pablo City. 

Taong 2006 ay nakapag simula na rin tayo ng bamboo forest sa Forest Wood Garden sa San Pablo City. Ang mini bamboo forest na ito ay matatagpuan sa paanan ng bundok San Cristobal na nasasakupan ng Brgy. Sta Elena.

Ang puno ng kawayan ay maraming gamit. Mainam na magtanim tayo ng kawayanan sa ating lupang sakahan. Sa panahon ng krisis, mahalagang maging resourceful tayo. Hindi lang ito sangkap sa paggawa ng kubo, kama, upuan, basket, tiklis, gamit sa kusina o gamit sa musika gaya ng Bamboo organ sa Las Pinas. Ang mga natatanging pakinabang ay hindi pwedeng pasubalian. Ginagamit itong panungkit, pangbalag, at tukod sa mga halaman.

Salamat sa makabagong teknolohiya sapagkat meron na din tayong tinatawag na bamboo engineering. Ang kawayan ngayon ay ginagawa na ring  tiles, bamboo lumber o bamboo compressed wood. At sa maniwala kayo o hindi sa ibang bansa meron na rin clothing, underwear at face towel na gawa sa bamboo cotton na galing sa bamboo fiber na ginawang tela. 

Ang kawayan ay may mahigit na 1,000 species. Mula sa maliit hanggang sa pinakamalaking uri. Mabilis mabuhay at madaling tumubo kaya nga hawak nito ang Guinness World Record for fastest growing plant. Sa loob ng 7 taon ay singkad na ang gulang nito. Pandadag sa ating kita ang pag aani ng kawayan. Bukod dito, kung meron tayong tanim na kawayan sa ating bakuran masasabi nating nakatutulong tayo sa biodiversity, sa ating kalikasan at higit doon meron ka pang  green gold!

Halina mga kabukid at simulan na natin ang pagtatanim ng kawayan.

Premium quality bamboo poles at affordable prices. More than twenty varieties of “Taga sa Panahon” bamboos. For orders or to schedule a visit to Forest Wood bamboo farm, please text or call mobile number 0917.113.5758.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.