Magsasaka at mangingsidang apektado ng bagyong Maring, nilaanan ng P1.5B tulong ng DA

0
434

Maynila. Naglabas ng P1.5 bilyong ang Department of Agriculture (DA) bilang tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng Severe Tropical Storm na Maring.

Sa kabuuang 1.5 bilyong piso, ang P650 milyon dito ay ilalaan sa emergency loan ng mga apektadong magsasaka at mangingisda sa ilalim ng SURE Calamity Loan Assistance Program sa pamamagitan ng DA- Agricultural Credit Policy Council (ACPC). 

Ang mga apektadong pamilya ay maaaring umutang dito ng hanggang P20,000 ng walang interes at walang prenda na babayaran sa loob ng sampung taon.

Bukod sa agricultural loan, naglaan din ang DA ng P172M para sa Quick Response Fund (QRF) upang muling maitayo ang mga lugar na nasalanta ng bagyong Maring sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at SOCCSKSARGEN.

Gagamitin din ng Philippine Crop Insurance Corporation ang P370 M upang mabayaran ang mga nasalantang pananim ng mga magsasaka sa CAR, Regions 1, 2, 3, and MIMAROPA.

View Post

Nakahandang ipamahagi sa mga apektadong lugar ang 168,998 sako ng rice seeds, 16, 601 sako ng corn seeds at 1,480 sako ng sari saring buto ng gulay, mga gamot at biologic para sa paghahayupan at manukan na nagkakahalaga ng P310M.

Tinatayang umabot sa P1.2B halaga ng palay, mais, high-value crops, livestock at fisheries ang nasira sa siyam na rehiyon na nakaapekto sa 42,787 na magsasaka at mangingisda. Ang dami ng production loss nito ay 68,891 metric ton o 68, 234 ektarya ng lupang sakahan, ayon sa pagtatasang isinagawa ng DA noong Oktubre 15.

Patuloy na nagtatasa ng pinsala ang DA sa pamamagitan ng mga regional at field offices nito sa mga pagkaluging sanhi ng bagyong Maring sa sektor ng agri-fisheries. Pananatilihin din ang  koordinasyon sa mga may kinalamang ahensya ng pamahalaan, mga local government unit at iba pang mga tanggapan sa ilalim ng DRRM upang matiyak ang kabuuang epekto ng nabanggit na super bagyo at matukoy ang mga tulong na kailangang itutugon sa mga ito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.