Magsasaka patay sa kidlat, barangay chairman sugatan sa Quezon

0
195

TAYABAS CITY, Quezon. Isang magsasaka ang namatay habang sugatan naman ang kasama nitong barangay chairman matapos silang masapol ng kidlat sa gitna ng malakas na ulan sa Brgy. Ilayang Nangka, sa bayang ito bandang alas tres ng hapon kahapon.

Kinilala ni Police Col. Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas City Police Station ang nasawi na si Romeo Sayam, 30 anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Agad namang isinugod sa ospital si Barangay Chairman Rowell Cabuyao dela Torre, 37 anyos, na nagtamo ng maraming paso at sugat sa katawan.

Ayon sa mga magsasaka na nakasaksi sa trahedya, malakas ang ulan na may kasamang kulog at kidlat nang biglang pumasok sa kubo ng kapitan ng barangay si Sayam upang sumilong at makaiwas sa kidlat.

Habang sila’y nagkukuwentuhan sa loob ng kubo, isang malakas na kidlat ang tumama sa bubong na pawid ng nipa hut na nagsanhi ng pagkasugat ng dalawang biktima.

Sinabi ni Col. Obmerga na nagsisigaw pa umano si Dela Torre sa mga kalapit na dampa bago ito nawalan ng malay samantalang dead on the spot naman si Sayam na umuusok pa ang katawan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.