Magsasaka timbog sa kasong gunrunning

0
181

Calauan, Laguna. Huli ang isang magsasaka matapos magbenta ng baril sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa bayang ito kamakalawa.

Kinilala ni Laguna Police Acting Provincial Director na si Police Colonel Cecilio R Ison Jr ang suspect na si Ronel Surbano alias Unel, 42 taong gulang, isang magsasaka na kasalukuyang nakatira sa Brgy. Perez, Calauan, Laguna.

Ayon sa ulat ng Calauan Municipal Police Station (MPS) na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Philip Toquero Aguilar, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na pagbebenta ng baril ni alias Unel kung kaya at nagsagawa sila ng buy-bust operations na nagresulta sa pagka aresto ng suspek matapos magbenta ng baril na walang kaukulang dokumento sa halagang Php 15,000.00.

Nakumpiska sa naarestong suspek ang isang piraso ng 1911A1 Norinco caliber .45 pistol, dalawang magazine ng caliber .45 at mga bala.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Calauan MPS at nakatakdang humarap sa kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sinabi ni Ison na ang pagkaka-aresto sa suspek ay bahagi ng patuloy sa kampanya ng Laguna PPO laban sa loose firearms.

“Patuloy na tutugisin at pananagutin sa batas ang mga indibidwal o grupo na sangkot sa pagbebenta o pag iingat ng mga baril na walang kaukulang dokumento na maaaring gamitin sa ibat-ibang uri ng kriminalidad,” ayon naman kay PBGen. Antonio C Yarra, Regional Director, PRO 4A.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.