Magtanim tayo ng valuable food crop na Japanese Malunggay

0
956

Sa ganitong panahon na maginaw ay marami talagang nagkakasakit lalo na ang mga bata. Hindi naman kasi tayo masyadong sanay sa lamig. 

Sa unang linggo ng January, tumaas ang bilang ng mga may sakit na gaya ng sipon, ubo at lagnat. Siguro ay dahil sa sobrang lamig  ng panahon na kasabay pang hanging amihan na may hatid na nanunuot sa butong kalamigan.  Bukod ito sa ngayon ay patuloy na tumataas na kaso ng Omicron variant na biglang lumaganap nitong maka Pasko at Bagong taon.

Napabalita nga na nagkaka ubusan ng paracetamol sa botika dahil sa dami ng may sakit. Sa kabila nito, wala pa ring tatalo sa good old comfort na nagagawa ng tinolang manok sa sipon, ubo at sinat. 

Ang chicken soup ay nakakatulong sa pagpapaginhawa ng katawan dahil may dala itong init, hydration, at nutrients. Mayaman din ito sa mga bitamina at mineral, na may pakinabang laban sa mga karaniwang karamdaman tulad ng karaniwang sipon, ubo at trangkaso. Ayon sa mga expert, ang manok ay may amino acid na cystein na sumasama sa sabaw kapag inilaga. Nakakatulong ito upang mapigilan ang patuloy na pamamaga ng tonsilitis at. Ang cysteine ay nagpapalabnaw din ng plema sa baga at pinabibilis  ang  pag galing ng mga may ubo, sipon at lagnat.

Hindi nga ba at ang Tinola ay paboritong pagkain ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal? Ito yung mga panahon na ang lolo at lola ay nagluluto ng masarap na tinola upang pahigupin ng sabaw ang may sakit na apo.

Ang ibat ibang sangkap sa pagluluto ng Tinola ay may kanya kanyang katangian at benepisyo ring ibinibigay gaya ng luya, paminta, papayang hilaw, celery, sayote, luya. Lalo pang mapupuno ito ng sustansya kung lalahukan ng Japanese Malunggay. 

Ang Japanese Malunggay o Katuk ay iba sa native malunggay. Ang dahon nito ay malalaki, pahaba at patulis. Tumataas ito ng hanggang 3 meters at may mga dahon na mayaman sa Vitamin A, B at C. Puno din ito ng protina at minerals na kailangan ng ating katawan. Ang lasa nito ay kagaya din ng native na malunggay na may hint ng Asparagus. 

Itinatanim ang Japanese Malunggay mula sa cuttings. Mabilis itong lumaki, drought tolerant at isang tunay na valuable food crop. Sa kasalukuyan ay isa itong Japanese Malunggay sa pinadadami namin ni Myrna dahil nasubukan namin na napakasarap nitong ihalo sa Pancit Kalabuko at sa Tinola.

Huwag tayong titigil sa pagtatanim. Kahit hindi farmer ay dapat ding matutong magtanim kahit sa bakuran lamang. Iba ang kasiyahan ang nararamdaman kapag ang ating ani ay nakikita natin sa hapag kainan.

Word of the Week

That each of them may eat and drink, and find satisfaction in all their toil, this is the gift of God. – Ecclesiastes 3:13

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.