MAYNILA. Hindi susuko o magpapahuli si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sakaling maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya. Sa halip, inamin niyang magtatago na lang siya upang maiwasan ang pag-aresto.
“Well, kung wala tayong makita na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko? ‘Di ba?” pahayag ni Dela Rosa sa mga mamamahayag, iginiit niyang wala siyang nakikitang dahilan para isuko ang sarili.
Nang tanungin kung nakahanda ba siyang magtago mula sa mga awtoridad, tumugon si Dela Rosa: “Kasama ‘yan, kasama ‘yan. Kasama ‘yan sa courses of action natin.”
Handang samahan si Duterte sa ICC
Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na kung sakaling maaresto siya, handa siyang dalhin sa The Hague, Netherlands upang samahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs.
“I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him,” pahayag ni Dela Rosa isang araw matapos maaresto si Duterte.
Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang kontrobersyal na kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Senado, maaaring maging ‘proteksyon’
Ayon kay Dela Rosa, kabilang din sa kanyang mga plano ang pagpapakupkop sa Senado upang maiwasan ang pag-aresto. Sinabi niyang tiniyak sa kanya ni Senate President Francis Escudero na hindi siya maaaring arestuhin sa loob ng Senado habang may sesyon.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang ICC kaugnay ng posibleng paglalabas ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo