Mahal na Araw sa bawat araw

0
595

May mga istilo ng panghihikayat na nakadepende sa tamang oras at disposisyon ng taong hinihikayat. Kung basta ibabalandra ang katotohanan, paano kung makasakit ng damdamin? Baka lalo kang layuan sa panahon ng ibayong pangungumbinsi. Meron namang taong hindi na kailangang magpasiklab sa salita dahil marami nang kumbinsido sa kanyang nagawa. Patuloy siyang ipinagpapalagay na gumagawa ng kabutihan, bagamat hindi isinasantabing kailangan din siyang suportahan sa kanyang kabutihan at hindi suportahan sa kamalian (DER or double-effect reasoning sa etika).

Wala nang titindi pa sa pag-ibig sa kaaway na tila pinakamahirap sunding atas mula sa bida ng Mahal na Araw, si Hesus.  Napakahirap man, ito’y nakapa nakakakumbinsing utos ng Hari ng mga hari na dapat sundin. Nangangahulugan ito ng walang hanggan at walang kapalit na pagmamahal sa kapwa. Nasa pag-ibig ang panghihikayat. Malabo at hindi pangmatagalan ang panghihikayat ng tao, pero Siya ay Diyos ng pag-ibig na makapag papagaan ng mga dalahin ng mga nabibigatan at makapagpapaligaya ng mga nagdurusa, namimighati, nanghihina. Hindi na baleng walang maniwala sa iyo, basta kapani-paniwalang tumutugon ka lamang sa panawagan ng Diyos, makakatulog ka nang mahimbing sa gabi at makakikilos ka ng matiwasay sa araw.

Mahirap magpaka relihiyoso, pero lalong mahirap ang dinaranas ng taong sarili niya ang relihiyon o nasa kanya lamang ang pamantayan. Ngayong Holy Week, sariwain ang katapatan ng Diyos sa atin, sa Pilipinas, at sa lahat ng mga bansa. Bahagi ng Good News of Deliverance (Isaiah 61:1-3):

“The spirit of the Lord God is upon me, because the Lord has anointed me; he has sent me to bring good news to the oppressed, to bind up the brokenhearted, to proclaim liberty to the captives, and release to the prisoners; to proclaim the year of the Lord’s favor, and the day of vengeance of our Lord; to comfort all who mourn; to provide for those who mourn in Zion – to give them a garland instead of ashes, the oil of gladness instead of mourning, the mantle of praise instead of a faint spirit. They will be called oaks of righteousness, the planting of the Lord, to display his glory.”

Natupad itong propesiya ni Isaiah sa buhay ni Kristo (Luke 4:16-22). Isang bagay na dapat nating ikatuwa, ipagdiwang, at laging alalahanin. (Gayunding kahalaga ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.)

Sa pangungumbinsi ng tao sa pinanghahawakan niyang totoo, mahalaga ang nilalaman ng kanyang puso. Ito ba’y para maitaas ang nangungumbinsi? Hindi. Kung nasa tama at totoo, ihingi sa Diyos ang takdang panahon para iparanas ito sa kapwa. Siya ang maghahanda ng puso’t isip ng kukumbinsihin mo. Dumarating sa puntong natatagalan ang nangungumbinsi, ngunit huwag mayamot. Ika nga, huwag padalos-dalos. Mahirap mag-“undo” minsan sa PC, paano pa kaya sa ating mga nagawa sa kapwa? Mahirap magdesisyon sa paglaban sa ibang bansa, dahil sa oras na sumiklab ang digmaan, maraming buhay, ari-arian, at panahon ang masasayang. Magpapadikta tayo sa Diyos, hind sa tao. Gagamitin Niya lamang ang mga pinuno. Ang tanong: Kagamit-gamit ba ang mga pinuno? Kumbinsihin natin ang ating mga sarili sa papalapit na eleksyon: Sino-sino ba talaga ang nais Niyang iluklok natin sa mga posisyon ng paglilingkod? Pasalamat tayo, meron tayong kapangyarihang pumili. Sa kasaysayan ng mga bansa, ang paggamit ng kapangyarihan ng mga tao ay salik sa pag-unlad o mitsa ng pagguho ng mga pangarap.

Pwedeng maging kumbinsido ang Diyos sa mga makasalanang nagbago at tumatalikod sa pagkakasala. Sa oras na gawin ito ng isang magnanakaw at tinanggap niya ang katotohanang walang makasasagip sa kanya kundi si Hesus at nagdesisyon siyang si Hesus ang makapagliligtas sa kanya, mangyayari ang dapat mangyari katulad ng magnanakaw na isinama Niya sa Paraiso dahil sa kababaang-loob at pananampalataya. Meron ding isa pang magnanakaw na nagpasya sa sariling siya ang bahala sa mga nangyayari kahit pa katabi na niya ang dapat niyang sampalatayanang anak ng Diyos.

Makumbinsi tayo sa benepisyo ng Krus ng Kalbaryo. Makumbinsi tayo sa kapangyarihan ng Diyos, hindi ng ating mga sarili. Sabi nga sa 2 Chronicles 7:14, “Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad, akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.” 

Kumbinsihin ang tapat na manatiling tapat, at hikayatin ang magnanakaw sa katotohanan at ari-arian na magpakumbaba at magpakalalim sa karunungan at relasyon sa Diyos. Kakaiba ang gobyerno ng langit. Hindi rin bumabagsak ang ekonomiya nito. Sa bawat araw, bago lagi ang kanyang grasya at laging puno ng pagmamahal kahit sa mga makasalanan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.