Mahigit 1K Pinoy sa Lebanon, pauuwiin ng Pinas sa gitna ng lumalalang kaguluhan

0
97

MAYNILA. Nakatakdang pauwiin ng pamahalaan ang mahigit isang libong Pilipino mula sa Lebanon kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hezbollah na nagresulta na sa pagkamatay ng daan-daan katao.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Robert Ferrer, nitong Martes, Setyembre 24, sinimulan na ng Philippine Embassy sa Beirut ang mga hakbang para sa repatriation ng mga Pilipinong nais bumalik sa Pilipinas. “Ginagawa na ng embahada ang lahat ng kinakailangan upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng ating mga kababayan,” ani Ferrer.

Sa kasalukuyan, nasa 500 Pilipino na ang nakabalik sa bansa.

Noong Setyembre 17 at 18, naranasan ng Lebanon ang “walang humpay na pagsabog ng mga bomba” na nagdulot ng pagkamatay at pagkasugat ng libu-libong tao, ayon sa embahada ng Pilipinas. Karamihan sa mga pagsabog ay nangyari sa southern suburbs ng Beirut, South Lebanon, at ang Bekaa Valley.

Nag-ugat ang mga karahasan matapos gumanti ang Israel laban sa Hezbollah fighters, na kilala bilang mga supporters ng mga Palestinian na nahaharap sa pagpapalayas mula sa Tel Aviv.

Bagaman marami sa mga Pilipino sa Lebanon ay “tutol sa anumang mandatoryong pagpapauwi ng gobyerno ng Pilipinas,” hinikayat ni Ferrer na muling isaalang-alang ang kanilang desisyon habang bukas pa ang mga komersyal na flight. Dagdag pa ni Ferrer, sasagutin ng pamahalaan ang lahat ng gastusin sa immigration at exit process, kabilang ang mga hindi dokumentadong manggagawa.

“Ang kaligtasan ng ating mga kababayan ang pangunahing prayoridad ng gobyerno,” binigyang-diin ni Ferrer.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo