Mahigit 686,000 deboto, lumahok sa Traslacion 2026

0
302

Maynila — Umabot sa humigit-kumulang 686,600 deboto ang lumahok sa Traslacion 2026 ng Poong Hesus Nazareno nitong Biyernes, ayon sa tala ng Quiapo Church Command Post bandang hapon.

Batay sa ulat ng simbahan, 556,600 deboto ang naitala sa Ayala Boulevard, habang tinatayang 130,000 naman ang nasa Quiapo hanggang ala una ng hapon. Pagsapit ng 4:23 ng hapon, umabot na ang prusisyon sa Arlegui Street, senyales ng patuloy ngunit mabagal na pag-usad ng andas.

Ayon sa mga opisyal ng Quiapo Church, mas bumagal ang takbo ng Traslacion ngayong taon dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga deboto sa unahan ng andas, kung saan nagsisikap dahil sa pagpipilit na makalapit at makahipo sa imahe ng Poong Nazareno. Dahil dito, nagkaroon ng matinding siksikan sa ilang bahagi ng ruta.

Sa unang yugto ng prusisyon, mabilis ang galaw nito, katulad ng bilis noong Traslacion 2024, na tinatayang isang kilometro kada oras mula Quirino Grandstand patungong National Museum. Subalit ang humigit-kumulang isang kilometrong bahagi mula Finance Road, Ayala Boulevard, at pagtawid sa Ayala Bridge ay inabot ng mahigit anim na oras, dahilan upang maging mas mabagal ito kumpara sa itinakdang rekord noong Traslacion 2025.

Samantala, iniulat ng Philippine Red Cross (PRC) na mahigit 100 deboto na ang kanilang naasistehan dahil sa panghihina, pagkahilo, minor injuries, at dehydration. May ilang deboto ang dinala sa mga kalapit na ospital bilang pag-iingat. Nag-deploy ang PRC ng mga first aid station, ambulansya, at libo-libong volunteer sa buong ruta ng prusisyon.

Ang Traslacion, na ginaganap tuwing ika-9 ng Enero, ay isa sa pinakamalaking relihiyosong pagtitipon sa Pilipinas at sa buong mundo, bilang paggunita sa paglipat ng imahe ng Poong Hesus Nazareno mula sa Luneta patungong Quiapo Church noong 1787. Taun-taon, milyon-milyong deboto ang dumadalo upang ipahayag ang kanilang pananampalataya, panata, at panalangin.

Larawan ni Miko Noveno/FB

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.