Dumagsa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo ang mahigit sa anim na milyong deboto na nakilahok sa prusisyon ng Black Nazarene mula Quirino Grandstand patungong Quezon Boulevard, ayon sa tala ng Quiapo Church Command Post.
Batay sa mga ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong alas-3 ng hapon ng Enero 9, umabot na sa 3,086,400 ang kabuuang bilang ng mga deboto na nagtungo sa Quirino Grandstand, Traslacion, at Quiapo Church. Sinabi ng NCRPO na ang unang tantya ng mga awtoridad ay aabot lamang sa dalawang milyon ang lalahok sa aktibidad.
Ngunit ayon sa Quiapo Church, naitala ang isang milyong bilang ng mga deboto kahapon ng alas-10 ng umaga. Ayon sa kanila, ito ay lubos na nakakagulat, lalo na at unang itinaya ng mga awtoridad na mas mababa ang inaasahan na dami ng mga deboto.
Sa pangunguna ng Quiapo Church Command Post, ang kabuuang bilang ng deboto na nakilahok sa prusisyon pa lamang ay aabot sa 6,532,501 mula Quirino Grandstand patungo Quezon Boulevard. Ang mga deboto na nanatili o naghintay sa Quiapo Church, kasama na ang mga nagsimba, ay umaabot sa kabuuang 1,398,500.
Sa kabila ng pagiging mas marami sa inaasahan na dami ng deboto, wala namang naitalang nasawi sa Traslacion, ngunit isang lalaki ang matinding nasaktan matapos mahulog nang tangkain nitong umakyat sa andas, ayon sa impormasyon mula sa Department of Health (DOH).
Samantalang ayon sa Quiapo Church Command Post, ang mga datos ng crowd estimate ay mula 5:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon kahapon. Sinabi pa ng Command Post na mayroong 11 segments at 14 prayer station na nagbibigay ng crowd estimate bago pa dumating ang bugso ng prusisyon o datos.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng tradisyunal na Traslacion ng Black Nazarene sa Kapistahan ng Quiapo na umabot sa mahigit 6 milyon ang deboto na nakilahok sa prusisyon lamang.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo