Mahigpit na implementasyon ng anti-bullying law, isinulong ni Gatchalian

0
373

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627) upang masugpo ang nakababahalang bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga kabataan.

Sa isang pag-aaral ni De La Salle University Professor Dr. Allan Bernardo, binigyang diin na dapat kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon ang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng mga paaralan at mga mag-aaral. Ayon sa kanyang pagsusuri ng datos mula sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), mataas ang exposure sa bullying ng mga itinuturing na poor readers. Mababa rin ang sense of belonging ng mga mag-aaral na ito, ayon sa pag-aaral.

Kung ihahambing sa mga mag-aaral sa 78 pang bansa na lumahok sa PISA, ang mga mag-aaral na Pilipino ang may pinakamaraming karanasan ng bullying. Lumalabas na 65% sa mga Pilipinong mag-aaral na 15 taong gulang ang ilang beses nang nakaranas ng bullying sa loob ng isang buwan. Lumalabas din sa resulta ng PISA na kung ihahambing sa mga hindi nakaranas ng bullying, mas mababa ng 56 puntos ang marka sa Reading ng mga mag-aaral na nag ulat na may banta sa kanilang kaligtasan.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng Child Protection Committee (CPC) sa mga paaralan upang masugpo ang bullying. Sa ilalim ng DepEd Order No. 55 s. 2013 o ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng anti-bullying law, responsibilidad ng CPC na tugunan ang mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan. Ayon kay Gatchalian, dapat tiyakin ng DepEd na may CPC ang bawat paaralan alinsunod sa orihinal na mandato ng DepEd Order No. 40 s. 2012.

Kailangan ding pag-aralan ng maigi ang proseso sa ilalim ng DepEd Order No. 55, kabilang ang fact-finding, documentation, at disciplinary measures, kung ang mga ito ba ay gumagana sa lahat ng mga paaralan. Kaakibat nito ang responsibilidad ng mga mag-aaral, kanilang mga magulang, at school staff.

“Kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon ang pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga paaralan at mga mag-aaral. Kung nais nating matiyak na magiging mahusay ang ating mga mag-aaral, mahalagang masugpo natin ang bullying at matiyak nating ligtas na espasyo ang ating mga paaralan,” ayon kay Gatchalian.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.