Simula sa Pebrero ng kasalukuyang taon, magkakaroon ng karagdagang tulong pinansiyal ang mga mahihirap na senior citizen sa bansa matapos itaas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang buwanang social pension mula P500 hanggang P1,000.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, ang dagdag na alokasyon ng pondo ay bahagi ng 2024 budget ng DSWD at ayon sa Republic Act 11916 o ang “Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens.”
Sa ilalim ng RA 11916, layunin ng pagtaas na ito na makatulong sa mga nakatatandang mamamayan na makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Ang pagbibigay ng 100% na pagtaas sa buwanang pension ay inaasahan na mag-aambag sa pangangailangan ng mga elderly.
Binigyang-diin ni Lopez na maituturing na eligible sa programa ang isang senior citizen kung wala itong natatanggap na buwanang pension mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Armed Forces at Police Mutual Benefit Association, Inc. (AFPMBAI), o mula sa anumang pribadong kumpanyang nag-o-offer ng pension.
Sa datos ng DSWD, umaabot sa 4,085,066 indigent senior citizens ang magbebenepisyo sa social pension program ng ahensya para sa taong 2024.
Ang pagtataas ng social pension ay isa sa mga hakbang ng gobyerno upang mapabuti ang kalagayan ng mga senior citizen na nangangailangan ng suporta at tulong pinansiyal.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.