Mahinang pagsabog naitala sa bulkang Taal; publiko pinag-iingat

0
187

BATANGAS CITY. Nakapagtala ng mahinang pagsabog sa Bulkang Taal ngayong Martes ng umaga, Disyembre 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa ulat ng PHIVOLCS, bandang alas-5:58 ng umaga ay nagbuga ang bulkan ng 2800-metrong grayish plume. Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan, na nangangahulugang mayroon itong “mababang antas ng kaguluhan.”

Bukod sa pagsabog, nakapagtala rin ng dalawang pagyanig ng bulkan na tumagal ng apat na minuto. Nagbuga rin ito ng abo na may taas na 600 metro, na tinangay ng hangin sa direksyong timog-kanluran.

Noong Nobyembre 30, naiulat din na naglabas ang bulkan ng 7,216 tonelada ng sulfur dioxide flux, na nagdulot ng bahagyang pag-alboroto.

Babala sa Publiko

Nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring mangyari ang mga sumusunod na panganib:

  • Steam-driven o phreatic explosions
  • Volcanic earthquakes
  • Minor ashfall
  • Lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas

Pinayuhan ang mga residente sa paligid ng bulkan na manatiling mapagmatyag at iwasang pumasok sa Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Taal Volcano Island, lalo na sa mga lugar na malapit sa Main Crater at Daang Kastila fissures.

Ayon sa PHIVOLCS: “Ang aktibidad ng Bulkang Taal ay patuloy naming binabantayan, at hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga abiso upang maiwasan ang anumang sakuna.”

Patuloy na nagpapaalala ang mga eksperto sa kahalagahan ng pakikiisa sa mga alituntunin upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo