STA. CRUZ, Laguna. Nagtipon-tipon ang humigit-kumulang na 400 na mga lider at kasapi ng mga kooperatiba sa lalawigan n Laguna sa idinaos na Laguna Cooperative Leaders’ Forum Oktubre 17, 2023 sa Laguna Cultural Center.
Ang ginanap na pagtitipon ay pinangunahan nina Gobernador Ramil L. Hernandez at Laguna Rep. (2nd District) Ruth Mariano Hernandez, kasama ang Provincial Cooperative Development Office (PCDO).
Ang mga kooperatiba sa Laguna ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa ng tsinelas, mga magsasaka ng niyog, mga nasa sektor ng transportasyon, mga nagtitinda sa palengke, at iba pang mga kasapi ng Serbisyong Tama Kababaihan o STK.
Mahalagang pagkakataon ito para sa lahat ng mga kasapi ng bawat kooperatiba na talakayin ang kanilang mga pangangailangan, pati na rin ang mga bagong programa mula sa pambansang at lokal na pamahalaan na naglalayong palakasin ang bawat kooperatiba. Ilan sa mga ito ay ang oportunidad na magtanim ng rubber tree at ang produksyon ng abaca, na hindi lamang magbibigay ng mga bagong pagkakakitaan kundi magpapabuti rin sa kalikasan.
Nagpasalamat si Gob. Hernandez sa suporta ng mga kooperatiba sa mga programa at sa pagpapanatili ng matibay na pagkakaisa at mga kabuhayan ng mga kasapi. May malalaking papel ang mga ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, ayon sa gobernador.
Ang ginanap na Cooperative Leaders’ Forum ay inorganisa ng PCDO ay bahagi ng pagdiriwang ng 2023 Cooperative Month na may temang: “Cooperatives: Pioneering the Path to Recovery Amidst Modern Challenges of Climate Change and Food Security.”
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.