Makakakuha ng USD 5M na karagdagang suporta mula sa Estados Unidos ang programa ng pagbabakuna ng Pilipinas laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa anunsyo ni Second Gentleman Douglas Emhoff sa isang aktibidad sa Caloocan City kanina, ayon sa US Embassy sa Maynila.
Ang bagong tulong sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID) ay naglalayong sumuporta sa pamamahagi ng bakuna para sa mga bata at matatanda alinsunod sa mga pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa Covid-19 vaccination na paigtingin at palakasin ang wall of immunity sa bansa.
Mahigit USD46 milyon na ang kabuuang tulong na ibinigay ng US para suportahan ang mga pagsisikap sa bakuna ng bansa pati na rin ang donasyon nito ng 33.6 milyong bakuna.
“Through USAID, the United States has trained health care workers, strengthened the vaccine supply chain, supported effective communications campaigns, deployed mobile vaccination clinics, and bolstered economic recovery efforts in the Philippines,” ayon sa pahayag ng US Embassy.
Mamumuhunan din ang US ng USD8 milyon para “palakasin ang global health security partnership nito sa sistema ng kalusugan ng Pilipinas.”
Sa ngayon, ang USAID ay nagbigay ng mahigit sa USD10.6 bilyon sa 120 bansa upang tugunan ang pandemya ng Covid-19, na nakapagbigay ng mahigit sa 664 milyong bakuna noong kalagitnaan ng Nobyembre 2022. (PNA)
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.