Malacañang isinailalim sa lockdown, imbestigasyon sa utak ng gulo sinimulan

0
414

MAYNILA. Isinailalim sa mahigpit na lockdown ang Malacañang kahapon matapos sumiklab ang tensiyon sa Ayala Bridge kung saan nagtangkang lusubin ng mga raliyista ang compound.

Ayon sa ulat, sinunog ng ilang kalalakihan ang gulong ng isang container van na nagsilbing harang patungo sa Malacañang Complex. Dahil dito, hindi pinayagang lumabas ang sinumang nasa loob, kabilang ang mga residente, at tanging iisang gate sa J.P. Laurel/Nagtahan ang nanatiling bukas upang masigurong walang makakapasok nang palihim.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na naka-monitor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sitwasyon at hindi itinuloy ang nakatakdang biyahe upang personal na mabatid ang mga hinaing ng mga mamamayan.

“Nagmo-monitor ang Pangulo, asahan ninyo na ang Pangulo ay nandidiyan. Kaya hindi niya itinuloy ang pagbiyahe para malaman din niya at madinig kung ano ang tunay na hinaing ng mga tao,” ani Castro.

Dagdag niya, malaking kuwestiyon kung paano nagtipon ang mga nanggulo na sabay-sabay nanghampas, nambato at nagsunog. Ayon kay Castro, malinaw na may nag-utos sa kanila at nais ng Malacañang na matukoy kung sino ang nasa likod ng kaguluhan.

“‘Itong mga ito, tingnan n’yo ha, mga nakamaskara sila. Kung matapang sila, ilabas nila ang mukha nila,” ani Castro, sabay giit na maaaring maharap ang mga ito sa kasong sedition.

Binanggit din niya na ang naturang mga aksyon ay maaaring kagagawan ng mga grupong nais magpabagsak sa Pangulo at umangat sa kapangyarihan.

Panawagan laban sa korapsiyon

Kaugnay nito, nanawagan si Castro sa publiko na huwag nang maghalal ng mga tiwaling opisyal, sa pagsasabing nasa kapangyarihan ng mga mamamayan ang paglaban sa sistemang matagal nang pinapasan ng bansa.

“Paulit-ulit na lang nandiyan pa rin sila, hindi rin tayo nadadala ‘yung mga botante hindi rin nadala so porke’t sasabihin nila nagbigay ng 500 [pesos] boto na. Hindi dapat ganoon matuto tayo,” ani Castro sa panayam ng ABS-CBN.

Aniya, kahit gaano kaganda ang mga batas, kung ang lider ay may “utak kriminal,” palaging may paraan itong makalusot. Kaya’t mahalaga aniya na ang taumbayan mismo ang pumili ng tamang lider.

Nilinaw rin ni Castro na suportado ng Pangulo ang mga mapayapang pagtitipon upang ipabatid sa mga tiwali na hindi dapat ninanakaw ang pondo ng publiko.

Matatandaan na mismong si Marcos ang nagsiwalat ng mga iregularidad sa ilang flood control projects nang magsagawa siya ng inspeksiyon sa Bulacan.

“Sinimulan niya ito, siguro para mamulat ‘yung mga tao pero ang pagmulat na ‘to sana wag silang makakalimot. Dapat magtuluy-tuloy ito, dahil ito ang gusto ng Pangulo labanan ang korapsiyon,” ani Castro.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.