Malacañang sa publiko: Mag-ingat sa gitna ng pagkakaroon ng monkeypox sa PH

0
258

Nanawagan ang Malacañang kahapon ng public vigilance laban sa monkeypox, matapos na maitala ng bansa ang apat na kaso ng nabanggit na sakit.

Ang pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ay ibinaba isang araw matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang pagtuklas ng ikaapat na kaso ng monkeypox sa bansa.

Sa mga natuklasan ng pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto, sinabi ni Cruz-Angeles na aabutin sa pagitan ng lima at 21 araw bago lumitaw ang mga sintomas ng monkeypox.

Pinayuhan ni Cruz-Angeles ang publiko na bisitahin ang mga social media platform na pinangangasiwaan ng DOH upang makakuha ng karagdagang impormasyon sa monkeypox at protektahan ang kanilang sarili laban sa sakit.

Noong Lunes, sinabi ng DOH na isang 25-anyos na Pilipino na walang documented travel history papunta o galing sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng monkeypox ang ika-apat na kaso na naiulat sa bansa.

Nauna dito, pinayuhan ng DOH ang publiko na pigilan ang pagkalat ng monkeypox sa pamamagitan ng pag-iwas sa close at sustained physical contact sa mga hinihinalang kaso, pagpapanatiling malinis ng kamay, pagsusuot ng face mask, pagtatakip ng bibig sa pag ubo, at pagpili ng mga lugar na may magandang airflow.

Kaugnay nito, noong nakaraang linggo ay tiniyak ng Malacañang sa publiko na handa ang DOH na pigilan ang higit pang pagkalat ng monkeypox. (PNA)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.