MAYNILA. Walang matibay na basehan ang pangamba ni Vice President Sara Duterte na may banta sa seguridad ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, sakaling umuwi ito sa Pilipinas mula sa pagkakadetine sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang press briefing sa Malakanyang, sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ni VP Sara na maaaring maging katulad ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ang kanyang ama kung babalik ito sa bansa.
“Magiging Ninoy Aquino Jr. ka…” ani VP Sara sa kanyang ama, kasabay ng babala na maaaring matulad ito kay Aquino kung itutuloy ang pagbabalik sa Pilipinas.
Ngunit agad namang kinuwestiyon ni Castro ang pahayag ng Bise Presidente at ang pinag-uugatan ng sinasabing banta sa buhay ng dating pangulo.
“Nagpapahayag sila ng pangamba pero wala namang konkretong ebidensya,” ani Castro. “Kailangan po natin ng mga materyales na ebidensya bago po magsagawa ng ganitong mga klaseng statements. Wala pong katotohanan iyan.”
Tinukoy rin ni Castro ang naunang pahayag ni VP Sara na may banta sa kanyang buhay noong kasagsagan ng hidwaan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ngunit ayon kay Castro, hindi raw ito nakapagbigay ng ebidensya sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa Philippine National Police (PNP) upang patunayan ang kanyang mga sinasabi.
Samantala, patuloy na nananatili sa ICC detention center si dating Pangulong Duterte habang nililitis ang kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo