MAYNILA. Matapos ang katiting na rollback na ipinatupad nitong bisperas ng Bagong Taon, malakihang dagdag-presyo naman sa produktong petrolyo ang ipatutupad ng mga kompanya ng langis simula bukas ng umaga.
Sa kanilang abiso, inanunsyo ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, at Phoenix Petroleum na magkakaroon ng dagdag-presyo na ₱1.00 kada litro ng gasolina at kerosene, habang ₱1.40 naman kada litro ng diesel, na epektibo simula alas-6:00 ng umaga bukas.
Samantala, ang Caltex (CPI) ay magpapatupad ng kaparehong halaga ng oil price hike epektibo sa alas-12:01 ng madaling araw, habang ang CleanFuel ay ipatutupad ang kanilang taas-presyo sa alas-4:01 ng hapon.
Ayon sa mga kompanya, ang malakihang oil price hike ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang noong nakaraang Martes, nagpatupad ng katiting na rollback ang mga kompanya ng langis na ₱0.30 kada litro ng gasolina at diesel, habang ₱0.90 naman kada litro ng kerosene.
Ang biglaang pagtaas ng presyo ay inaasahang magdudulot ng dagdag na pasanin sa mga motorista at negosyo sa bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo