Malawakang korapsiyon sa gobyerno ang gigising sa kabataan – Pangilinan

0
345

MAYNILA – Naniniwala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ang malawakang korapsiyon sa gobyerno, kabilang ang multi-bilyong flood control scandal sa Bulacan, ay magsisilbing panggising sa kamalayan ng kabataang Filipino at maghihikayat ito sa kanila na kumilos para sa pagbabago.

Sa paunang episode ng kanyang Kikonek: The Kiko Pangilinan Podcast, na mapapanood sa kanyang opisyal na Facebook page, YouTube, at Spotify, sinabi ng senador na kitang-kita ang aktibismo ng kabataan sa kasalukuyang imbestigasyon sa flood control project, na itinuturing na isa sa pinakamalaking isyu ng korapsiyon sa bansa.

“Marami sa ating mga kababayan lalo na ang kabataan, nakikita na maraming mali sa lipunan at naghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong,” ani Pangilinan.

“Hindi madali ito, pero sa tingin ko, ito ang simula ng katapusan ng kamangmangan o kawalan ng pakikilahok. Kapag nagsimula ka nang magtanong, nagsisimula ang pagbabago,” dagdag ni Pangilinan.

Ayon sa senador, hindi agad nangyayari ang political awakening. “Hindi ka agad mulat o politically aware. Ang umpisa ay kapag meron ka nang mga tanong,” ani Pangilinan. Ipinunto rin niya na personal siyang nagising sa realidad ng diktadurang Marcos nang paslangin si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., at sinimulan niyang magtanong tungkol sa mga pangyayari at balita na sinadyang itinago sa publiko noon.

Aniya, ang karanasang iyon at ang mga sumunod na pangyayari ang humubog sa kanyang adbokasiya sa youth empowerment. Madalas niyang ipaalala sa kabataan na may kakayahan silang humingi ng accountability, transparency, at pagbabago sa pamahalaan.

“May mga susunod sa atin. Kailangan lang nating manatiling halimbawa para may mga susunod sa ating yapak,” ayon sa senador.

Binanggit niya rin ang fatigue na nararamdaman ng kabataan sa paulit-ulit na imbestigasyon at pagdinig, ngunit kailangan nilang kumilos para sa kinabukasan. “We cannot give up on the future of our children and our loved ones. We have to fight,” ani Pangilinan, na nanawagan sa kabataan na manatiling aktibo, mapanuri, at determinado sa paglaban sa katiwalian at pagkukulang ng gobyerno.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.