Maligayang Pasko 2021, inaasahang mararanasan sa San Pablo City

0
395

Mayor Amante, nanawagan sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak na edad 12 hanggang 17.

San Pablo City, Laguna. Hinihikayat ni Mayor Loreto “Amben” Amante ang lahat ng magulang sa lungsod na ito na pabakunahan ang kanilang mga anak na 12 hanggang 17 taong gulang matapos simulan dito ang pediatric vaccination program kamakailan.

“Ito na po ang panahon para magpabakuna, huwag po nating palampasin ang pagkakataong ito dahil we have enough vaccines sa ating siyudad. Kitang-kita naman natin ang pagluluwag ng ating ekonomiya so kinakailangan na bawat San Pableño ay tumulong po tayo sa pamamagitan ng pagbabakuna dahil mahirap yung nag luluwag ang ekonomiya tapos hindi naman tayo bakunado,” ang paliwanag ni Amante.

Ayon kay Amante, nais niyang makaranas ng tunay na maligayang Pasko ang kanyang mamamayan ngayong taon. Humigit kumulang na 33,000 ang populasyon ng mga menor de edad sa nabanggit na lungsod na sisikaping mabakunahan bago sumapit ang Pasko, ayon sa kanya.

Ang San Pablo City ang kauna unahan sa Laguna na nagsimula ng pediatric vaccination pilot run para sa A3 sa San Pablo General Hospital (SPGH), ayon sa report ng Department of Health (DOH).

Pinili ng DOH ang SPGH upang anila ay mapamahalaan ang mga posibilidad ng serious adverse reactions ng bakuna. “Kailangang nating maging maingat sa pagpapatupad ng malawakang pagbabakuna sa mga bata upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan. We will be monitoring these vaccinated children to detect adverse events following immunization to ensure their safety,” ayon sa paliwanag ni DOH Regional Director Eduardo C. Janairo.

Pfizer at  Moderna lamang ang maaaring pagpilian ng mga magulang sapagkat ang mga brand na ito lamang ang pinayagan ng Philippine Food and Drug Administration para sa edad 12 hanggang 17, ayon pa rin sa DOH Region 4A.

Binigyang diin din ng nabanggit na ahensya na ang mga batang nasa kategorya ng A3 o may comorbidities ay nanganganib sa malalang Covid-19. Ito anila ang mga batang ito may medical complexity, genetic conditions, neurologic conditions, tuberculosis, hepatobiliary diseases, cardiovascular diseases, chronic respiratory diseases, renal disorders, immunocompromised state due to disease or treatment, metabolic/ endocrine disease, obesity, o human immunodeficiency virus (HIV) infection.

Nagpapaalala din ang DOH Region 4A na kailangan ay kasama ng menor de edad ang kanilang magulang o guardian sa mga vaccination site. Importante din ayon kay Janairo na magdala ng medical certificate mula sa doktor na nagpatotoo sa comorbidity ng batang babakunahan.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.