Manager, patay sa pamamaril ng security guard sa Cavite

0
153

BACOOR CITY, Cavite. Napatay ang isang manager matapos barilin ng dalawang beses sa ulo ng officer-in-charge ng isang security agency na siya ring security guard ng kanilang subdivision Villa Felicia, Brgy. Bayanan, lungsod na ito.

Ayon sa imbestigasyon, sinita ang biktima dahil sa mga dala nitong construction materials.

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si alyas Richard, residente ng Blk. 16 Lot 22 Kosmos St. Villa Felicia Subdivision, Brgy. Bayanan, Bacoor City. Siya ay binaril ng dalawang beses sa ulo ng suspek na kinilalang si alyas Rudy, 53-anyos, OIC/security guard ng Star Matrix Security Agency na nakatalaga sa gate ng Villa Felicia Subdivision, at residente ng Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente bandang 9:10 ng umaga. Papasok na sana sa kanilang subdivision ang biktima sakay ng kanyang puting Mazda 323 Sedan nang harangin at sitahin siya ng security guard sa gate dahil sa kanyang mga dalang construction materials.

Nagkaroon ng mainitang sagutan na nauwi sa pagtatalo at pagka-pikon ng suspek. Dahil dito, binaril ng dalawang beses sa ulo ng guwardya ang biktima gamit ang kanyang 9mm na baril bago mabilis na tumakas.

Patuloy pa rin ang pagtugis ng pulisya sa tumakas na suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.