Manatili tayong alerto at laging isaisip ang malasakit sa kapakanan ng ating kapwa

0
362

Noong Disyembre 5, 2021, ayon sa ulat ni San Pablo Asst. CHO Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon kina Mayor Amben Amante at  CHO Dr. James Lee Ho  ay apat ang  nagpositibo at walang nakarekober na covid patient kaya naging sampu ang active cases ng lungsod.

Ayon sa detalyadong ulat ni Dr. Caponpon, tatlo ang natuklasang carrier ng virus habang naga-apply ng health clearance sa lokal na pamahalaan. Nangangahulugan na nasa tabi-tabi lamang pala ang Covid-19 at anumang oras ay pwedeng mahawa at mabiktima ang mga burara at panatag na mamamayan!

Isang matibay na pagpapatunay ng husay at galing ng San Pablo City LGU noong ang huling resulta ng whole genome sequencing (WGS) ay natanggap nina Caponpon mula sa DOH-4A sa Genome Center ng Pilipinas. Sabi dito, unang linggo ng nakaraang November 2021, ay may nagpositibo sa delta variant at nakahawa ng  close contacts. Sapagkat tatlong linggo na ang nakalipas mula ng suriin ang specimen ng covid patient, bago pa man dumating ang resulta ay pawang mga deklaradong negatibo at fully recovered na ang lahat. Mabuti at maagap ang naging isolation at contact tracing na isinasagawa ng San Pablo kaya napigilan agad ang pagkalat ng local transmission.

Hindi maaaring ang tanging pag basehan ay ang bilang ng mga active cases upang masabing ligtas na ligtas na ang lahat. Kakaunti nga ang bilang sa  ibang bayan subalit wala namang silang isinasagawang patuloy na mass testing, mahigpit na contact tracing, isolation at tamang sistema ng pagdedeklara ng mga fully recovered patients.  Dito sa ating lungsod ay maaaring mataas ng kaunti ang active cases subalit may kapanatagan naman ang kalooban ng lahat dahil sa mahusay na nagagampanan ng LGU San Pablo ang tamang sistema at proseso.

Natatakot tayo sa posibleng pagpasok ng Omicron Variant samantalang nasa paligid pa rin pala ang Alpha, Beta at Delta. Libong  San Pableños ang dinapuan ng mga ito at daan kababayan ang nasawi samantalang ni anino ng Omicron ay wala pa yata rito?

Ano mang oras ay pwedeng mag-spike ang mga kasong covid katulad ng nangyayari sa Europe at ibang bansa kahit wala pa ang presensya ng Omicron. Mapalad ang San Pablo sapagkat malapit na nitong maabot ang herd immunity. Magiging protektado na ang populasyon. Subalit mas kailangang ang dobleng pag iingat at huwag makampante. Kailangan ay manatili tayong alerto at laging isaisip ang malasakit sa kapakanan ng ating kapwa.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.