Mandatory evacuation, ikasa na ng mga LGU – DILG

0
379

MAYNILA — Mariing inutusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na kumpletuhin ang mandatory evacuation para sa mga residente sa high-risk areas sa kani-kanilang nasasakupan.

Ayon sa DILG, ang utos ay bunsod ng banta ng malakas na ulan, pagbaha, at posibleng landslide dala ng inaasahang severe tropical storm Fung-Wong, na papangalanang Uwan pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Pinaalalahanan ng DILG ang mga local chief executives na huwag na hintayin pang lumala ang panahon bago ilikas ang kanilang mga constituents. “Early evacuation saves lives. We’re asking all local chief executives to complete preemptive or mandatory evacuations no later than Sunday,” ayon sa ahensya.

Ayon sa 11 a.m. advisory kanina, Nobyembre 7, matatagpuan ito sa layong humigit-kumulang 1,315 km silangan ng Eastern Visayas, gumagalaw pa-kanluran‑hilaga-kanluran (west‑northwestward) sa bilis na mga 20 km/h, na may sustained winds na 100 kph at gusts na umaabot hanggang 125 kph. Inaasahang papasok si Uwan sa PAR Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga at mabilis na titindi hanggang sa maitalang super typhoon.

Sa Metro Manila, nagpahayag na ng kahandaan ang NCR-LGUs. Ayon kay Metro Manila Council (MMC) president at San Juan City Mayor Francis Zamora, tuluy-tuloy ang paghahanda ng lahat ng LGUs sa rehiyon, kabilang ang prepositioning ng rescue equipment at relief goods. Nagsagawa rin ng declogging sa drainage systems at pag-imbak ng langis para sa pumping stations upang maiwasan ang baha.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.