Mangingisda, planong gawing reservist sa West Philippine Sea

0
140

Plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gawing reservist ang mga mangingisda sa Kalayaan Island upang makatulong sa pagbabantay sa West Philippine Sea.

Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Romeo Brawner, Jr., tuturuan ang mga mangingisda kung paano sila makakapag ambag sa pagtatanggol ng bansa.

Ipinaliwanag ni Brawner na pinag-iisipan ang pagbuo ng isang maritime militia sa West Philippine Sea upang mapalakas ang presensya ng militar sa nasabing lugar.

Ang pahayag ni Brawner ay nag-ugat sa kamakailang insidente ng paggamit ng water cannon sa outpost ng Pilipinas na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal noong Agosto 5.

Gayunpaman, tumutol ang Pag-asa Island Fisherfolk Association of Kalayaan na nasa pamumuno ni Larry Hugo, sa inisyatibang ito.

Ipinahayag ni Hugo na magdudulot ito ng pag-aalala sa kanilang grupo dahil maaaring sila ang maging target ng Chinese Coast Guard.

Ayon sa kanya ay nais lamang ng grupo na makapamuhay ng mapayapa at makapangisda upang matugunan ang pang araw araw nilang pangangailangan.

Sinabi niya na ayaw ng grupo na masangkot sa anumang kaguluhan o pag-atake mula sa mga Chinese, tulad ng nangyari sa resupply ship ng AFP sa Ayungin Shoal.

Bagamat handa silang magbigay ng impormasyon o ulat ukol sa sitwasyon, mariing tinutulan ni Hugo na sila ay magdadala ng anumang uri ng armas.

Ang grupo ay kasalukuyang nagpapatakbo ng 36 na bangka sa Pag-asa Island.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.