Mango Ginger, naiibang lasa ng luya na maraming health benefits

0
1056

Marami sa atin ang nangangarap na mangibang bansa.  Isa na ako doon at pinalad namang maging isang OFW sa loob ng 12 years. Kapag tayo ay nasa ibang bansa na ang pangarap naman natin ay kung kailan tayo uuwi for good sa Pilipinas. 

Ang may dugong magsasaka saan ka mang lupalop mapa punta ay tunay na hahanapin  ang buhay na kinamulatan – ang buhay sa baryo at sa bukid. 

Likas sa akin ang ang hilig sa pagtatanim at pagluluto kaya noong taong  2004 ay nag “for good” na ako sa Pilipinas at ngayon ay isa ng ganap na magsasaka at kusinero dito sa aming bukid sa Forest Wood Garden Farm. 

Hilig ko ang pagluluto kaya isa sa mga una kong itinanim ay ang luya. Sa bawat tahanan hindi pwedeng wala nito. Isa ito sa pinakamahalagang sangkap sa mga lutuin ng mga  Pinoy na laging matatagpuan sa kusina.

Sa kalaunan ay minabuti kong magtanim ng kakaibang luya na kung tawagin ko ay Mango Ginger. 

Naiiba ang lasa ng Mango Ginger. Maihahalintulad ito sa manggang hilaw pero wala itong anghang. Masarap itong gawing juice at pang rekado sa sinaing na isda o sa tinola. Ginagawa rin itong atsara ni misis o kaya ay chutney. Ang mga dahon naman ay ipinambabalot ko sa manok at pork bago ihawin o iprito o ipaksiw. Nakakatuwa dahil bagong innovation ito na ginamit ko sa pagluluto.

Ang Mango Ginger o Cucurma amada ay mayroong mahalagang gamit sa Ayurveda at Unani medicinal systems.  Ito ay appetizer, antipyretic, aphrodisiac, diuretic, expectorant, laxative at nakakatulong din sa biliousness o sakit sa pantog, pangangati, sakit sa balat, bronchitis, hika at pamamaga sanhi ng mga sugat. 

Kada taon, pagpasok ng buwan  ng Abril ay inihahanda ko na ang lupang pagtataniman ng Mango Ginger. Binubungkal at inaaro upang magkaroon ng tamang preparasyon ang lupang  pagtataniman nito. Ang isang kilo nito ay pwedeng pagkunan ng 20 na binhi. Bawat isang binhi ay pwedeng maglaman ng 2 kilo. Inaani ito after 10 months. 

Kaya mga kabukid, inaanyayahan ko kayong magtanim na rin ng Mango Ginger. Sigurado ako, masisiyahan kayo sa naiibang lasa nito – manamis namis na may banayad na floral at peppery overtone na katulad ng manggang hilaw. 

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.