Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Comelec sa hindi pagdeklara ng campaign donations

0
351

MAYNILA — Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections si Senador Rodante Marcoleta dahil sa umano ay hindi pagdeklara ng campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE para sa May 12, 2025 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, magpapadala ang komisyon ng show cause order sa mga susunod na araw upang hilingan ng paliwanag ang senador tungkol sa isyu.

Batay sa SOCE ni Marcoleta, wala siyang naitalang cash o in-kind contributions para sa kanyang kandidatura. Gayunman, nagdeklara siya ng P112,857,951.44 na gastos sa pangangampanya.

Naging kuwestiyonable ang datos dahil sa nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng senador, mayroon lamang siyang net worth na humigit P51.9 milyon.

Kalaunan ay umamin ang senador na may mga kaibigan siyang nagbigay ng pondo sa kanyang kampanya ngunit hindi ito isinali sa SOCE upang sundin umano ang hiling ng mga donors na manatiling hindi kilala.

Giit ni Garcia, walang exemption sa pagdedeklara ng campaign contributions. Lahat ng donasyong natatanggap ng isang kandidato ay obligadong ideklara at ilahad sa kanilang SOCE alinsunod sa batas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.