MAYNILA. Nagpahayag ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa mga embahada ng Israel, Jordan, at Egypt nitong Miyerkules matapos ang matagumpay na pagdaan ng 40 Pilipino mula sa Gaza strip sa pamamagitan ng Rafah border crossing sa Egypt.
Sa isang maikling video message, ibinalita ni Pangulong Marcos na ang 40 mga Pilipino ay ligtas at uuwi sila sa Pilipinas sa mga darating na araw.
“Ikinagagalak kong ibalita na 40 sa ating mga kababayan ay ligtas at matagumpay na nakatawid ng Rafah crossing sa Egypt. Sila ngayon ay patungo ng Cairo, kung saan sila magmumula para makauwi nang tuluyan sa ating bansa sa susunod na mga araw,”ayon sa pahayag ni Pangulong Marcos.
Sinabi ng Pangulo na ang matagumpay na paglabas ng 40 Pilipino ay naging posible dahil sa koordinasyon ng DFA at mga embahada sa Israel, Jordan, at Egypt.
“Nagpapasalamat din tayo sa mga pamahalaan ng Israel at Egypt sa kanilang pagbibigay-prayoridad sa ating mga kababayan upang makalabas ng kanilang teritoryo. Kinikilala rin natin ang mediation effort ng Qatar na s’yang naging dahilan para buksan ang mga hangganan ng mga muling bansa,”dagdag pa ni Marcos.
Umaasa ang Pangulo na ang natitirang 74 na Pilipino na naghihintay na makalabas sa Rafah ay makakalabas din at makakasama ang kanilang mga pamilya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo