MAYNILA – Diretsahang idinawit sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez sa umano’y P100 bilyong budget insertion para sa flood control projects.
Sa isang video message, iginiit ni Co na ginamit lamang siya at ginawa umanong kasangkapan ng Pangulo at ni Romualdez. Sinabi niyang umalis siya ng bansa noong Hulyo para sa medical check up at nakatakdang bumalik matapos ang State of the Nation Address, ngunit pinigilan umano siya ni Romualdez na umuwi.
Ayon kay Co, sinabi umano ng kongresista sa telepono na, “Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President.”
Idinagdag niyang noong bicameral conference sa 2024 budget, inatasan siya ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na magpasok ng P100 bilyong halaga ng proyekto matapos umanong magpulong ang kalihim at ang Pangulo. Kinumpirma raw niya ito kay Undersecretary Adrian Bersamin bago niya ipinaalam kay Romualdez ang utos ng Pangulo.
Sagot umano ni Romualdez, “What the President wants, he gets,” ayon kay Co.
Giit ni Co, hindi na siya mananahimik at ilalabas ang lahat ng ebidensyang magpapatunay sa mga transaksiyong kanyang binanggit.
Lacson, hinamon si Co na manumpa
Para kay Senador Panfilo Lacson, walang probative value ang mga pahayag ni Co hangga’t hindi ito inuulit sa ilalim ng panunumpa. Hinamon niya ang dating kongresista na dumulog sa Senado upang magkaroon ng bigat ang kanyang mga akusasyon.
Nilinaw ni Lacson na hindi niya ipinagtatanggol ang Pangulo, ngunit iginiit niyang kung totoong may P100 bilyong insertion, maaari itong gawin sa National Expenditure Program at hindi sa bicameral conference committee. Aniya, “Why would he insert 100 billion sa BICAM samantalang sa NEP kaya niyang gawin yun?”
Palasyo, itinuring na hearsay ang mga paratang
Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyon ni Co. Ayon sa Acting Secretary ng Presidential Communications Office na si Dave Gomez, puro hearsay at walang basehan ang mga paratang laban kay Marcos.
Sinabi ni Gomez na mismong ang Pangulo ang nagpasimuno sa pagsisiwalat ng mga anomalya sa flood control projects at nagsasagawa na ng mga hakbang para papanagutin ang mga responsable.
Binigyang diin niya na dapat bumalik si Co sa bansa at pirmahan ang kanyang mga pahayag sa ilalim ng panunumpa.
Sa parehong press briefing, sinabi ni Press Officer Undersecretary Claire Castro na lumilikha lamang si Co ng mga kuwento upang mailigtas ang sarili mula sa mga kasong kinakaharap niya. Giit niya, “Laway lang ang puhunan at walang basehan.”
Ayon kay Castro, may posibleng ibang tao na gumawa ng salaysay ni Co dahil tila hindi raw nito nauunawaan ang kanyang sinasabi. Tinukoy niya na kung gusto talagang maglagay ng P100 bilyon ang Pangulo, maaari itong ilagay direkta sa NEP at hindi bilang insertion.
Dagdag pa niya, alam na ng Pangulo ang mga akusasyon ngunit hindi ito nababahala dahil alam nito ang katotohanan.
Banta sa buhay ni Co, pinatutunayan ng Palasyo
Tungkol sa sinasabing banta sa buhay niya, hinamon ng Palasyo si Co na magpakita ng ebidensya. Ayon kay Castro, dapat maipakita ng dating kongresista kung saan nagmula ang impormasyon at kung may opisyal na rekord na nagpapatunay sa mga banta.
Nauna nang sinabi ni Co na ginagamit ng administrasyon ang lahat ng resources ng gobyerno para siya ay patahimikin.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






