Marcos galit sa natuklasang ghost flood control project sa Bulacan

0
383

MAYNILA. Nagpahayag ng matinding galit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos madiskubre ang umano’y “ghost” flood control project sa Baliuag, Bulacan.

Sa kanyang personal na inspeksyon, nakita ng Pangulo na walang anumang naipatupad na proyekto sa halagang P55 milyon na nakalaan para sa river wall project sa Barangay Piel. Ayon kay Marcos, nakasaad sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na “completed” na ang 220 metrong river wall, ngunit sa aktuwal na lugar ay wala namang anumang konstruksyon.

“Extremely, more than disappointed, I’m actually… I’m getting very angry with what’s happening here. Papaano naman, 220 meters, P55 million completed ang record ng Public Works,” giit ni Marcos.

Dagdag pa niya, kung naisagawa ang proyekto ay malaking tulong ito sana para sa mga taga-Baliuag mula sa irigasyon hanggang sa pagkakaroon ng malinis na tubig. Sa halip, pinsala lamang ang idinulot ng hindi natuloy na proyekto.

Sinabi rin ng Pangulo na pananagutin ang mga sangkot sa anomalya, mula sa contractor hanggang sa mga opisyal ng DPWH at maging ng Commission on Audit (COA) na pumirma sa ulat na tapos na ang proyekto.

Pinag-aaralan na rin ng administrasyon ang posibilidad na sampahan ng kasong economic sabotage ang mga responsable. Ayon kay Marcos, malinaw na pananabotahe ang nangyari at hindi ito palalampasin.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo