MAYNILA. Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang sasantuhin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa imbestigasyon hinggil sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects, kahit pa kaibigan, kaalyado o kamag-anak ang madadamay.
Sa isang press conference sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na magiging ganap na independent ang tatlong kinatawan ng ICI. Aniya, wala silang ugnayan sa alinmang ahensya ng gobyerno, maliban kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
“Anybody will say, ah hindi, wala, wala tayong kinikilingan, wala tayong tinutulungan, wala namang maniniwala sa iyo hanggat gawin mo e, so gagawin namin,” pahayag ng Pangulo.
Lumabas ang kanyang pahayag matapos sabihin ni Navotas Rep. Toby Tiangco na sina Speaker Martin Romualdez at dating House Appropriations chair Zaldy Co umano ang nasa likod ng anomalya.
Samantala, inamin din ni Marcos na kung hindi lamang siya ang Pangulo ay nais din niyang makiisa sa mga protesta laban sa isyu. Kaugnay ito sa mga nakatakdang kilos-protesta sa Setyembre 21 sa Luneta at People Power Monument.
“Do you blame them for going out into the streets? If I wasn’t President, I might be out in the streets with them. So you know, of course they are enraged. Of course they’re angry. I’m angry. We should all be angry, because what’s happening is not right,” wika ni Marcos.
Dagdag pa niya, karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag ng galit at pagkadismaya sa pamamagitan ng mapayapang demonstrasyon. “To show that you are enraged, to show that you are angry, to show that you are disappointed, to show that you want justice, to show that you want fairness. What’s wrong with that?… I want to hold these people accountable just like they do. So I don’t blame them. Not one bit,” dagdag ng Pangulo.
Gayunman, hinimok niya ang mga organisador at kalahok na tiyaking mapayapa ang lahat ng pagkilos at hindi mauwi sa kaguluhan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





