Marcos may net worth na P389M at P1.375B sa 2024 SALN

0
333

Nagtala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mahigit P389 milyon na net worth batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN hanggang Disyembre 31, 2024.

Ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa “24 Oras” na nakabatay sa mga dokumentong nakuha ng GMA Integrated News Research, nagsumite rin ang Pangulo ng appraisal mula sa pribadong firm na Cuervo Appraisers, Inc., na nagtakda ng kanyang net worth sa P1.375 bilyon.

Ipinakita sa deklarasyon ng Pangulo na ang P389.357 milyon ay alinsunod sa panuntunan ng Civil Service Commission sa paghahain ng SALN, habang ang P1.375 bilyon ay nakabatay sa valuation ng Cuervo.

Batay sa CSC rules, kabilang sa kanyang assets ang P142.026 milyon na halaga ng 21 pirasong real estate property tulad ng agricultural at residential land.

Mayroon din siyang personal properties na nagkakahalaga ng P38.7 milyon cash, P134.192 milyon na investments, gayundin mga alahas, 12 sasakyan at mga painting na may kabuuang halagang P247.332 milyon.

Kabilang sa kaniyang mga sasakyan ang isang Mercedes-Benz Maybach na nagkakahalaga ng P10.5 milyon, at 126 painting mula sa kilalang mga artists.

Kasama sa kanilang koleksyon ang mga obra nina Fernando Amorsolo, Jose Joya, Ben Cabrera, Arturo Luz, at maging isang artwork mula kay pambansang bayani Jose Rizal.

Hindi nagdeklara ang Pangulo ng anumang liabilities sa kanyang 2024 SALN at sa mga nauna niyang SALN mula Hunyo 2022.

Ibig sabihin, ang kanyang net worth na P389.357 milyon para sa 2024, gayundin sa mga naunang taon, ay pawang nakabatay sa kanilang assets kasama ang First Lady Liza Araneta-Marcos.

Batay sa pagsusuri sa mga SALN ng Pangulo mula nang maupo siya noong 2022, tumaas ng P60.128 milyon ang kanyang net worth hanggang 2024.

Noong Hunyo 30, 2022, ang kanyang net worth ay P329.229 milyon nang siya ay manungkulan, habang ang appraised value ng kanyang assets ay P908 milyon.

Pagsapit ng Disyembre 31, 2022, tumaas ang kanyang net worth sa P371.492 milyon, at ang appraised value ay umabot sa P960.7 milyon.

Sa Disyembre 31, 2023, nagtala siya ng net worth na P381.447 milyon habang ang appraisal value ng kanyang assets ay umakyat sa P1.157 bilyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo