Marcos, nanawagan laban sa katiwalian at abuso sa Araw ng mga Bayani

0
383

MAYNILA. Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Pilipino na labanan ang katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani ngayong Lunes sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

“Kailangan din nating labanan ang banta ng katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan sa ating lipunan,” ani Marcos sa kanyang talumpati.

“Dahil hindi lamang salapi ang kanilang ninanakaw, kundi pati ang kalusugan, pangarap, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon na Pilipino,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng Pangulo na tungkulin ng bawat mamamayan na maging mapanuri, ilantad ang pandaraya, at manindigan para sa tama kahit mahirap gawin.

Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay din ni Marcos si Teresa Magbanua, tinaguriang “Visayan Joan of Arc,” na lumaban sa pananakop ng mga Kastila, at ang iba pang mga bayani na hindi nakilala ngunit nag-ambag sa kalayaan ng bansa.

“Sa gitna ng panganib at sa bawat pagsubok, hindi siya sumuko. At hanggang sa kanyang pagtanda, patuloy siyang naging sandigan ng mga sundalo at gerilyang lumaban para sa bayan,” ani Marcos.

“Ngayong Araw ng mga Bayani, binibigyang-pugay natin ang mga Pilipinong hindi naisulat ang pangalan sa mga pahina ng kasaysayan ngunit naging mitsa at apoy na bumuhay sa ating kasarinlan,” dagdag niya.

Pinangunahan ng Pangulo ang pag-aalay ng korona ng bulaklak sa Tomb of the Unknown Soldier sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon sa Presidential Communications Office, ang tema ngayong taon na “Isang Diwa, Isang Lahi, Isang Bayanihan” ay sumasalamin sa tapang ng mga bayani ng bansa, nakilala man o hindi, na lumaban para sa kalayaan at dangal.

Itinakda sa Republic Act No. 9492 na ang huling Lunes ng Agosto ay pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo