Marcos sa mga nagnakaw ng flood control funds: “Mahiya naman kayo!”

0
573

MAYNILA. Matapang na kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na umano’y nagnakaw ng pondo para sa mga flood control projects, sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na ginanap kahapon sa Batasan Complex.

“Mahiya naman kayo!” ani Marcos, kaugnay sa umano’y mga katiwaliang nagdulot ng palpak na mga proyekto. Ayon sa Pangulo, nakita niya mismo ang mga epekto ng Habagat at ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, at napansin na maraming proyekto ang gumuho, hindi natapos, o tila hindi man lang nagsimula.

“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto tulad ng mga kickback, initiative, errata, SOP, at ‘for the boys’,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, “Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa baha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera.”

Bilang tugon, inatasan ni Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects sa bawat rehiyon na sinimulan o natapos sa nakalipas na tatlong taon.

Ang mga regional project monitoring committee ay mag-eeksamin ng mga listahang ito at mag-uulat hinggil sa mga hindi natapos o hindi sinimulang proyekto, pati na rin sa mga alegasyon ng ghost projects.

Ipapa-publish din ang mga listahan upang masuri ng publiko at makapagbigay ng impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.

Magkakaroon din ng audit performance review upang malaman kung paano ginamit ang pondo sa bawat proyekto.

Tiniyak ng Pangulo na sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang mga opisyal at kontratistang mapapatunayang sangkot sa katiwalian upang malaman ng taumbayan ang katotohanan at mapanagot ang mga responsable.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo