Marcos: Tuloy ang P300B flood control projects, may mahigpit na safeguards

0
469

GONZAGA, Cagayan — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpapatuloy ang P300 bilyong nakalaan ngayong taon para sa mga flood control project hanggang 2026, ngunit may ipatutupad na mas mahigpit na hakbang upang matiyak ang maayos na pagpapatupad.

“So, tuloy-tuloy pa rin ang magiging flood control project hanggang sa susunod na taon at mayroon naman tayo na ia-approve na flood control project. Basta’t nakita natin ay maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government. That’s the new factor that we put in,” pahayag ni Marcos nitong Sabado sa kanyang pagbisita sa Gonzaga, Cagayan, kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng tulong sa mga residente at magsasakang naapektuhan ng Super Typhoon Nando.

Dagdag ng Pangulo, titiyakin ng administrasyon na ang pondo ng taumbayan ay magagamit nang tama at para sa kapakanan ng bawat Pilipino, at hindi na mauulit ang mga dating abuso sa pagpapatupad ng malalaking flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura.

“Titiyakin po natin na hindi na po mauulit ‘yung ating nakita. Titiyakin po natin na bawat sentimo na pera ninyo – hindi namin pera ito, pera ninyo na ibinahagi ninyo sa mga opisyal ng pamahalaan,” ani Marcos.

Binigyang-diin din niya na ang pamahalaan ay tagapag-ingat lamang ng buwis ng taumbayan.
“Kami po ay kung tawagin ay ‘custodian’ lang, tiga-bantay lang kami sa pera ninyo. Hindi amin ‘yan. Sa inyo pa rin ‘yan,” dagdag niya.

Matatandaang inilipat ni Marcos ang P255.5 bilyong orihinal na nakalaan para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa mga prayoridad na programa ng iba pang ahensya ng pamahalaan.

Nauna nang iniutos ng Pangulo sa lahat ng kagawaran at ahensya ng pamahalaan ang pagbabalik ng proseso ng “acceptance” ng mga lokal na pamahalaan bago maituring na kumpleto ang anumang proyektong pambansa. Aniya, layon nitong matiyak na ganap na natatapos ang mga proyekto bago ito ipasa sa lokal na pamahalaan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo