Mary Jane Veloso, Pinay na iniligtas sa bitay, uuwi na matapos ang dekada ng negosasyon

0
221

MAYNILA. Matapos ang mahigit isang dekada ng negosasyon, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iuuwi na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso, isang Filipina na naligtas mula sa pagbitay sa Indonesia noong 2015 dahil sa kasong drug trafficking.

“Pagkatapos ng mahigit isang dekada ng diplomasiya at konsultasyon sa gobyerno ng Indonesia, nagawa nating maantala ang kanyang bitay hanggang sa makabuo ng kasunduan upang maibalik siya sa Pilipinas,” pahayag ni Marcos sa isang opisyal na pahayag nitong Miyerkules.

Si Veloso, isang domestic helper na dalawang anak, ay inaresto noong 2010 sa Yogyakarta matapos mahulihan ang 2.6 kilo ng heroin na nakatago sa kanyang maleta.

Noong 2015, naligtas siya mula sa firing squad sa huling sandali matapos hilingin ng mga opisyal ng Pilipinas kay dating Pangulong Joko Widodo ng Indonesia na hayaang makapagsalaysay si Veloso laban sa mga kasangkot sa sindikato ng human at drug smuggling.

Samantala, walong iba pa ang nahatulan dahil sa droga ang na-execute noong panahong iyon, at sinabi ni Widodo na ang pag-antala sa bitay ni Veloso ay isang “postponement.” Ang termino ni Widodo bilang pangulo ay natapos noong nakaraang buwan.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa malalim na ugnayan ng Pilipinas at Indonesia. “This outcome is a reflection of the depth of our nation’s partnership with Indonesia—united in a shared commitment to justice and compassion,” ani Marcos.

“Masaya nating hinihintay ang pagbabalik ni Mary Jane sa kanyang tahanan,” dagdag pa ng pangulo.

Si Veloso ay sumisimbolo ng patuloy na laban para sa hustisya at pagbibigay ng pagkakataon para sa mga naaapi, lalo na sa mga naging biktima ng sindikato.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo