MAYNILA – Mas mababa ang bilang ng mga firework-related injuries (FWRIs) ngayong 2025 kumpara noong 2024, ngunit mas malubha ang mga pinsalang tinamo ng mga biktima, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa panayam sa Dobol B TV nitong Sabado, sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na posibleng lumampas sa 500 ang kabuuang bilang ng FWRIs ngayong taon, batay sa paunang tala. Aniya, bukod sa 235 insidenteng naitala hanggang Enero 1, Huwebes, may mahigit 300 kaso pa ang sumasailalim sa validation.
Ipinaliwanag ni Domingo na kahit umabot sa “more or less” 500 ang FWRIs, mas mababa pa rin ito kumpara sa 803 kaso na naitala noong 2024.
Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na mas seryoso ang mga pinsalang tinamo ng mga biktima ngayong taon.
“Generally, mukhang mas mababa ‘yung bilang pero para bang mas intense ‘yung mga sugat. Siguro ‘yun ang titingnan nang mas malalim na analysis,” ani Domingo.
Ayon sa DOH, itinuturing ang mga biktima ng FWRIs bilang “burned without amputation” o “burned with amputation.” Kasama rin sa talaan ang mga nagkaroon ng pinsala sa mata at mga naapektuhan ang baga dahil sa paputok o fireworks.
Dagdag pa ni Domingo, karamihan sa mga biktima ng FWRIs ay mga menor de edad.
“Consistent pa rin eh. Karamihan ng mga naputukan ay menor de edad,” aniya.
Tungkol naman sa mga nasawi dahil sa paputok, binanggit ng DOH ang kaso ng isang 12-anyos na batang lalaki na agad nasawi matapos sumabog ang paputok sa Tondo, Maynila noong Disyembre 28.
Samantala, sa mga namatay dahil sa ligaw na bala, sinabi ni Domingo na may isang kumpirmadong kaso na sa ngayon, habang lima pa ang isinasailalim sa validation.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





