Mas maraming gas emission muling naitala sa Taal Volcano

0
313

Taal, Batangas. Naobserbahang muli ang pagtaas ng volcanic sulfur dioxide (S02) emission sa Taal Volcano, ayon sa ulat  ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa isang advisory kahapon, sinabi ng Phivolcs na 17,147 tonelada ng S02 emission ang naitala noong Agosto 7, mas mataas kaysa sa 12,125 tonelada noong Agosto 3.

Ang pinakahuling bilang din ang pinakamataas na gas emission mula nang ilagay sa Alert Level 1 (low-level unrest) ang bulkan noong Hulyo 11.

Ang airborne volcanic gas ay tinatayang aaanod sa silangan hanggang kanluran ng Taal Volcano Island (TVI).

Ang tumaas na pag-degassing ay nakikita sa anyo ng upwelling sa Main Crater Lake, gayon din ang napakalaking steam-rich plume na aktibidad sa nakalipas na anim na araw.

Noong Lunes, sinabi ng Phivolcs na tatlong volcanic tremors na tumagal ng 4 hanggang 12 minuto, at isang low-level background tremor, ang naitala sa nakalipas na 24 na oras. Tatlong volcanic tremors din ang naitala sa nakaraang 24-hour observation period.

Ang mga pagyanig na ito ay mga volcanic earthquakes na nagpapahiwatig ng fluid o gas movement, ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum Jr.

Ang katamtamang paglabas ng plume na umaabot sa 1,500 metro ang taas ay naobserbahan din sa nakalipas na 24 na oras.

Pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na ang Bulkang Taal ay nasa Alert Level 1 pa rin, na nangangahulugan ng biglaang pagsabog ng singaw o phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall at expulsions ng volcanic gas na maaaring magbanta sa mga lugar sa loob ng TVI o permanenteng danger zone ng Taal.

Hinihimok din ang mga local government units na patuloy na suriin ang mga naunang lumikas na barangay sa paligid ng Taal Lake para sa pinsala at accessibilities sa kalsada, at palakasin ang paghahanda, contingency at communication measures sakaling magkaroon ng panibagong kaguluhan.

Idinagdag ng Phivolcs na dapat payuhan ng mga awtoridad ng aviation ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bulkan, dahil ang airborne ash at ballistic fragment mula sa biglaang pagsabog at wind-remobilized ash ay maaaring magdulot ng mga panganib sa sasakyang panghimpapawid. (PNA)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.