Matinding init sa 36 na lugar, suspendido ang F2F classes sa ilang lugar ngayong Lunes

0
447

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), 36 lugar sa bansa ang nasa banta ng matinding init na may heat index na itinuturing na “dangerous” ngayong Lunes, ika-13 ng Mayo.

Sa Aparri, Cagayan, posibleng umabot sa 47°C ang heat index, habang maaaring sumampa ito sa 46°C sa mga lugar tulad ng Dagupan City, Pangasinan; Tuguegarao City, Cagayan; Roxas City, Capiz; at Guiuan, Eastern Samar.

Nasa 45°C naman ang inaasahang heat index sa Laoag City, Ilocos Norte; ISU Echague, Isabela; at Iloilo City, Iloilo.

Dagdag pa ng PAGASA, maaaring maranasan ang 44°C na heat index sa Bacnotan, La Union; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa City, Palawan; Cuyo, Palawan; at Dumangas, Iloilo.

Samantala, posibleng magkaroon ng 43°C na heat index sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Pasay City, Metro Manila; MMSU, Batac, Ilocos Norte; Baler (Radar), Aurora; Aborlan, Palawan; Virac (Synop), Catanduanes; Catarman, Northern Samar; Catbalogan, Samar; at Butuan City, Agusan Del Norte.

Maaari rin daw maramdaman ang 42°C na heat index sa Science Garden Quezon City, Metro Manila; Sinait, Ilocos Sur; NVSU Bayombong, Nueva Vizcaya; Iba, Zambales; Casiguran, Aurora; Cubi Pt., Subic Bay Olongapo City; Ambulong, Tanauan Batangas; Daet, Camarines Norte; Masbate City, Masbate; CBSUA-Pili, Camarines Sur; Siquijor, Siquijor; Tacloban City, Leyte; Borongan, Eastern Samar; Dipolog, Zamboanga Del Norte; at Zamboanga City, Zamboanga Del Sur.

Nitong Linggo, iniulat ng PAGASA na umabot sa 49°C ang heat index sa Aparri, Cagayan, na lampas sa kanilang inaasahang 46°C na ipinahayag noong Mayo 11.

Dahil sa matinding init, suspendido ang face-to-face classes sa ilang lugar ngayong Lunes, ika-13 ng Mayo, 2024. Pinapayuhan ang mga paaralan sa mga lugar na apektado na magpatuloy sa asynchronous classes o alternative learning modalities. Sa Metro Manila, Malabon City, Muntinlupa City, Pasay City, at Valenzuela City ay ilan sa mga lugar na apektado ng suspensyon ng mga klase, kasama na ang ilang mga probinsya at paaralan tulad ng Bulacan, Umingan, Pangasinan, at University of Caloocan City (UCC).

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo