May dala dala ring opportunity ang pandemic

0
923

Grendel Aranguren Mercado, super sipag na negosyante

Parang isang bangungot na dumating ang 2020 sa buhay at hanapbuhay sa buong mundo. Hanggang ngayong 2021, patuloy pa ring naapektuhan ng pandemic ang halos lahat ng aspeto ng buhay natin. 

Bagaman at milyon milyong negosyo ang pinahirapan coronavirus outbreak, ito ay nagbukas din pagkakataon para sa mga bagong hanapbuhay.

Kung balak mong magbukas ng negosyo ngayon, ang new normal ang major concern mo. Mag explore tayo ng mga opportunities na nakatago sa pandemic. Sabi nga in Albert Einstein, “in every crisis, there is an opportunity.”

Gawin nating halimbawa si Grendel Aranguren Mercado ng San Pablo City. Isang dating empleyado sa isang kompanya sa Bukidnon. Umuwi siya sa kanyang pamilya bago lumala ang pandemic at ilang buwan ding tambay. Hanggang sa maisipan niyang mag online selling at mag deliver ng karne, isda, gulay, bigas, mantika, itlog at lahat ng items na nabibili sa palengke.

Dahil maraming takot mamalengke, lumakas ang negosyo ni Grendel. Ngayon ay nakakarating na ang kanyang paninda sa Alaminos, Calauan, Los Banos sa Laguna hanggang sa Tiaong, Quezon. 

“Ok naman po ang online selling kasi kumikita naman po ako ng maayos.  Nabibili ko po lahat ng needs ng anak ko at nakakaipon pa din po ng konti,” sabi ni Grendel.

Sipag at tiyaga pa rin ang susi ng tagumpay ni Grendel. Mga katangian na common sa ating mga negosyante. “Mahirap po talaga dahil ang puyat at pagod po ay kasama sa puhunan pero kailangan pong magsipag para sa pamilya at para sa kinabukasan.” Ang kaibahan lang ni Grendel ay mas malakas ang kanyang fighting spirit. 

Tinanong ko kung anong sikreto ni Grendel sa kanyang negosoyo na kasing tanda na ng pandemya, dalawang taon na. “Ang sikreto po e good customer relationship at saka dapat po ay good quality ang mga paninda para po hindi one time lang ang order ng isang customer,” dagdag kwento pa ni Grendel.

Good customer relationship at good quality products o services ay basic din sa negosyo pero kay Grendel ay nagkaroon ng ibang dimension ito. Halimbawa ay nakalimutan niyang isama sa order ang isang bungkos ng kinchay, kailangan ay dalhin nya pabalik ito sa customer kahit medyo lugi na sya sa gas.

Maraming Grendel sa buong mundo na nakahanap ng swerte sa gitna ng pandemic. Maraming kagaya nya na hindi takot sa puyat at hirap ng katawan. Nag iisip ng innovation sa negosyo at dumidiskarte ng patok. Lumalaban sa mga hamong bitbit ng Covid-19. At naniniwala ako na nananalo si Grendel sa laban nya.

“Ang maipapayo ko lang po sa kagaya kong online seller ay maging matiyaga lang po tayo sa paghahanapbuhay. ‘Wag po tayong mawawalan ng pag asa at basta maging tapat lang po sa mga customer. Kailangan po ay laging sakto ang timbang. Sa ganitong business practice, darating din po ang panahon na maabot din po natin ang tagumpay na pinapangarap sa business,” dito nagtapos ang kwentuhan namin ni Grendel.

Sana ay makapagbigay sa atin ng inspirasyon ang kakaibang sipag at tapang ni Grendel. Marami sa mga negosyante ngayon at isa na ako ang halos nawawalan na ng pag asa. Salamat, Grendel dahil binigyan mo kami ng panibagong lakas ng loob na tumuloy sa laban.

Author profile
myrone zabat Jr
Marius Myrone S Zabat Jr

Si Marius Myrone S Zabat ay naging presidente ng San Pablo Amateur Radio Club (1996-1997), JCI San Pablo (1997-1998), at San Pablo Jaycees Senate (2001-2003). General Manager din siya ng  Milmar Distillery at Tierra De Oro Resort-Hotel.