Kung bukas na ang eleksyon, may mga nanalo na.
Hindi pa man nagsisimula ang opisyal na kampanyahan para sa lokal na halalan ay may mga matutunog ng kandidato. Mas naniniwala ako sa pulso ng mga katsismisan ko kaysa sa mga survey na madalas ay hindi naman iyon ang lumalabas na resulta ng pinal na bilangan ng boto.
Batay sa mga nakikipag huntahan, nakaka ungos daw ng malaking lamang sa panalo sina Ex-Mayor Vicente Belen Amante sa pagka-alkalde, kasalukuyang VM Justin Colago sa muling pagka-bise-alkalde, mga kapanalig na kandidatong mga konsehal ng lungsod, mga bokal ng ikatlong purok at kandidatong kinatawan Loreto ‘Amben’ Amante.
Hindi ito ang eksaktong latag ng aktwal na resulta sa magaganap na halalan dito sa San Pablo at kalakhang 3rd district ng Laguna. Pero kung papalpak ay gagayahin ko na lang ang paboritong ‘palusot’ ng mga political researchers at surveyors na ‘giya’ lamang ito na pwedeng pagbatayan ng bawat kandidato sa takbo ng kanilang pangangampanya.
Ilang daang libong botante at mahigit 200 barangay lamang ang nasa ikatlong purok ng lalawigan at madali itong ma-survey kung ano nga ba ang tunay na pulso ng taumbayan.
Napakadaling tanungin ng direkta ang mga barangay officials, malalaking political leaders at mga lider sibiko kung sino-sino ang higit na napupusuan ng kanilang mga tagasunod at kapamilya? Hindi katulad ng pamumulso ng malalaking political surveyors na kaunting libo lang ang natatanong at walang katiyakan kung tama ba ang classification ng mga grupong tinatanong. Maging ito man ay sa pamamagitan ng face to face, pagtawag sa telepono, text/PM, fb, tweeter, etc o ang nauusong ‘kalye ‘survey, sa aking palagay ay mahina ang accuracy ng mga ito.
Maaaring hindi makaapekto ng malaki sa San Pablo ang humihigpit na labanan ng mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa sapagkat kapansin-pansin na ‘free-zone’ ito.
Hindi ko lang alam kung ganito rin sa 6 na munisipyo sa Laguna 3rd District.
Sa madaling salita, dahil sa katapusang linggo ng Marso 2022 pa ang umpisa ng official campaign period ng mga local lokal na kandidato, may panahon pa upang paghandaan ang estilo ng kampanya na kanilang gagawin.
Tandaan natin, isa sa mga layunin ng survey ay ang makalikha ng ‘band wagon effect’ sa lalabas na nangunguna daw sa survey. Sasakay baga tayo sa wagon o tayo’y maglalakad na lang para makapamasyal na rin papunta sa mga pangarap na lagi nating minimithi. Maigi’y magbaon tayo ng paborita at jacobina para may makutkot natin habang daan.
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.