Mayon itinaas sa Alert Level 3 dahil sa tumitinding aktibidad

0
383

MAYNILA — Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon bunsod ng patuloy at tumitinding aktibidad nito, na nagpapahiwatig ng magmatic eruption at mas mataas na posibilidad ng lava flows at mapanganib na pyroclastic density currents (PDCs) na maaaring makaapekto sa itaas at gitnang dalisdis ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, posible ang isang pagsabog sa loob ng mga susunod na araw o linggo habang nananatiling aktibo ang sistema ng bulkan.

Sa pagsisimula ng Enero, nakapagtala ang Mayon ng 346 rockfall events at apat na volcanic earthquakes, mas mataas kumpara sa 599 rockfall events na naitala sa buong buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre 2025, na tumagal ng isa hanggang limang minuto bawat insidente.

“The volume of discrete rockfall, with observed incandescence at nighttime, increased yesterday, signaling an increase in the rate of dome growth and the onset of extrusion of new lava at the crater,” pahayag ng Phivolcs.

Sa nakalipas na 24 oras, naitala ang 85 rockfall events, mahinang crater glow, pagluwa ng 702 tonelada ng asupre, at pamamaga ng bulkan.

Dahil dito, mariing pinayuhan ang agarang paglikas ng mga residente sa loob ng 6-km Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib mula sa lava flows, rockfalls, PDCs, at iba pang volcanic hazards. Pinag-iingat din ang publiko laban sa posibleng lahar at pagbaha ng putik sa mga daluyan ng tubig mula sa bulkan, lalo na tuwing may malakas na pag-ulan.

Binalaan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa panganib na dulot ng abo at iba pang volcanic materials.

Kaugnay nito, katuwang ang Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at ang kanilang mga mobility assets, agad na ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Albay at mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Mayon ang evacuation ng 729 pamilya o mahigit 2,200 katao mula sa loob ng 6-km PDZ sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Sto. Domingo.

Noong nakaraang linggo, ilang pamilya na ang kusang lumikas mula sa mga danger area sa bayan ng Guinobatan. Sa Camalig, agad ding inilikas ang 166 pamilya mula sa Barangay Anoling, Sua, at Quirangay.

Ayon kay Roderick Mendoza, hepe ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO), tinatayang 79,315 pamilya o mahigit 300,000 katao ang nakatira sa mga danger area ng Mayon. Sa bilang na ito, 729 pamilya ang nasa loob ng 6-km PDZ, 20,480 pamilya ang nasa 7-km extended danger area, at 55,946 pamilya ang nasa 8-km extended danger area, na nakahandang ilikas sakaling itaas pa ng Phivolcs ang alert level sa mga susunod na araw.

Samantala, tiniyak ni DSWD regional director Norman Laurio na naka-preposition at handang ipamahagi ang humigit-kumulang 111,000 food at non-food items na nakaimbak sa iba’t ibang warehouses sa lalawigan, bukod pa sa 100,000 standby food packs para sa mga apektadong residente.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo